Tirador sa mga simbahan sa Bulacan arestado

CAMP GEN ALEJO S SANTOS, City of Malolos, Bulacan— Bumagsak sa kamay ng mga otoridad ang suspek na responsable sa serye ng pagnanakaw sa mga Simbahang Katoliko sa isinagawang follow-operation matapos pasukin at nakawan ang isang simbahan sa Lungsod ng San Jose Del Monte Bulacan madaling-araw ng Sabado, Setyembre 18, 2022.
 
Sa report ni PCol. Relly Arnedo, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office (PPO), nakilala ang nadakip na suspek na si Samuel Lorenzana, residente ng Brgy. Fatima 3, City of San Jose Del Monte.
 
Base sa panimulang imbestigasyon, pinasok at ninakawan ni Lorenzana ang Cross Over Christian Ministry Church  na matatagpuan sa Brgy. Sto. Cristo ng nasabing lungsod bandang alas-3:30 ng madaling-araw.
 
Ang suspek ay nadakip sa follow-up operation ng CSJDM Police kung saan positibo itong itinuro ng isang nagpakilalang “Pastor Tagulao” na siyang nanloob sa kanilang  simbahan at tumangay ng kaniyang laptop, tablet at cellphone. 
 
Ayon sa pulisya, si Lorenzana at ang iba pang kasamahan nito ay miyembro ng “Akyat Bahay” gang at sinasabing responsable rin sa panloloob at pagnanakaw sa The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints sa Brgy. Mulawin.
 
Bukod dito, sila rin ang mga suspek sa serye ng nakawan sa mga kabahayan sa nasabing lugar.
 
Narekober naman sa suspek ang mga tinangay na kagamitan ng simbahan habang pinaghahanap naman ang dalawang pang kasamahan nitong suspek na nakatakas.