“Jennifer Lopez” timbog sa droga sa Bulacan

ARESTADO sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence Unit (IU) at City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng City of San Jose Del Monte Police Station, Special Operation Unit 3 (SOU3) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEG) ang isang babae na kapangalan ng sikat na Hollywood actress/ singer/ dancer na si “Jennifer Lopez” sa Gov. Halili Road, Barangay Muzon, City of San Jose Del Monte (CSJDM), Bulacan nitong Martes, Setyembre 20, 2022. 
 
Sa report na tinanggap ni PCol. Relly Arnedo, OIC Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office (BulPPO), kinilala ang inarestong drug suspek na si Jennifer Lopez, alyas “Madam”, 44,  may-asawa, residente ng Block 7, Lot 17, Phase 1C, Lapog La Poblacion Subdivision, CSJDM.
 
Arestado rin ang isa pang kasamahan nito na si Ernesto Padilla, 56, ng nasabi ring lugar.
 
Batay sa report, ang dalawang suspek ay nadakip matapos mahulog sa ikinasang drug entrapment ng nabanggit na operatiba sa pamumuno ni LtCol. Ronaldo Lumactod Jr., hepe ng CSJDM Police Station bandang alas-12:10 ng madaling-araw.
 
Narekober sa pag-iingat ng mga ito ang 4 na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa 2.5 gramo at nagkakahalaga ng P17,000.00. Kasalukuyan nakapiit ang mga suspek sa nasabing himpilan habang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga ito.