Modernong city hall ng Meycauayan, pinasinayaan

PORMAL na pinasinayaan nitong nakaraang Biyernes ang moderno at bagong tayong city hall ng Pamahalaang Lungsod ng Meycauayan na nakatakda ring buksan sa publiko sa darating na Lunes, Mayo 23, 2022. 

Itinayo ito sa 6,041 square meters na lupa na nabili ng pamahalaang lungsod sa barangay Salusoy sa kahabaan ng Manila North Road o ang dating Mac SArthur Highway at ilang hakabang lamang sa katapat nitong itinatayong Meycauayan Station ng North-South Commuter Railway (NSCR). 

Pinangunahan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra (kaliwa) ang pormal na pagpapasinaya ng new city hall ng Meycauayan kasama sina Cong. Henry Villarica, Mayor Linabelle Villarica at Vice-Mayor Joji Violago na ginanap nitong Biyernes sa Barangay Saluysoy, City of Meycauayan. (Photo: Meycauayan CIO)

Ayon kay Bulacan Fourth District Representative at nagbabalik na Meycauayan City Mayor-elect Henry Villarica, mayroon ilang mga aspeto ang inaasahan sa pagtatayo ng bagong city hall sa mismong sentro ng lungsod. 

Una ang maging ‘magnet for development’ na makakahikayat pa ng mas maraming mamumuhunan, makapagdagdag ng value added benefits sa paligid nito at maihanda ang Meycauayan tungo sa pagiging Highly Urbanized City. 

Taong 2017 nang pasimulan ang proyekto sa unang termino ni noo’y Mayor Henry sa pamamagitan ng P499 milyon na sariling pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Meycauayan. 

Sa panunungkulan naman ni Outgoing Mayor Linabelle Ruth Villarica, may karagdagan pang P500 milyon ang ipinahiram ng Land Bank of the Philippines upang makumpleto ito. 

Binigyang diin naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, ang panauhing pandangal sa pagpapasinaya, na hindi lamang bayaran ng buwis at multa o kuhanan ng mga permit at prangkisa ang isang city hall. 

Aniya, ukod sa pagiging sentro ng kapangyarihan ng isang lungsod o bayan, nagsisilbing malaking control room ang city hall sa dapat na maging direksiyon ng Meycauayan. Sumasalamin din aniya ang katayugan, kaayusan at kalinisan ng bagong gusali na nasa mabubuting mga kamay ang lungsod.
 
Matatagpuan sa ikalawang palapag ang session hall ng Sangguniang Panglungsod ng Meycauayan, general services at city engineering. 

Sa ikaapat na palapag naman matatagpuan ang mayor’s office habang iaabang ang ikatlo at ikalimang palapag kung may mga tanggapan mula sa pamahalaang nasyonal na nangangailangan ng espasyo.   

Ito na ang pangatlong lokasyon ng city hall ng Meycauayan. Ang dating munisipyo ng noo’y bayan ng Meycauayan ay nasa kabayanan na naitayo noong 1958. 

Inilipat naman ang munisipyo noong 2000 sa Barangay Camalig, na higit na malayo sa kabayanan at sa karamihan ng mga taga- Meycauayan. 
 
“Inilipat po natin ang bagong city hall dito sa Barangay Saluysoy upang maging accessible sa mga Meycauayenyos at hindi na sila mahirapan pa pumunta dun sa luma na malayo sa kabihasnan,” ayon kay Cong. Villarica. 
 
Samantala, sa direktiba ni Outgoing Mayor Linabelle, naglagak ng isang Heritage Museum sa unang palapag ng bagong city hall. Tampok dito ang kasaysayan ng industriya ng pagbabalat o Tanning Industry ng Pilipinas na nagsimula sa Meycauayan. May permanenteng eksibisyon din dito ng mga ipinagmamalaking mga alahas na isa ring pangunahing industriya sa lungsod.