KINUMPIRMA ni Police Regional Office 3 (PRO3) regional director BGen. Mathew Baccay na nasa kabuuang 51 na lungsod at bayan sa Central Luzon ang isinailalim sa Election Areas of Concern (EAC) at Election Areas of Immediate Concern (EAIC).
Kabilang dito ang mga lalawigan ng Nueva Ecija, Bulacan, Pampanga, Zambales, Tarlac, Bataan at Aurora.
Sa panayam ng kay Baccay, sinabi nito na 5 siyudad ang nakapaloob sa Election Areas of Concern (EAC) at ito ay ang mga lungsod ng Cabanatuan, Palayan at San Jose mula sa Nueva Ecija; City of San Fernando sa Pampanga at Olongapo City sa Zambales.
Ang mga bayan naman ng Mariveles sa Bataan; Marilao, San Miguel, Guiguinto, San Rafael, DRT at San Ildefonso sa lalawigan ng Bulacan; Apalit at Mexico sa Pampanga; Paniqui sa Tarlac; at mga bayan sa Cabiao, Cuyapo, Carranglan, Gabaldon, Gen Tinio, Guimba, Laur, Licab, Llanera, Lupao, Nampicuan, Pantabangan, Penaranda, Quezon, Rizal, San Isidro, Sta Rosa, Talugtog at Zaragosa sa lalawigan ng Nueva Ecija ang nasa ilalim din ng EAC.
Ang mga isinailalim naman sa Election Areas of Immediate Concern (EAIC) ay ang Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan; Gapan City at City of Munoz sa Nueva Ecija habang mga lokal na pamahalaan ng Maria sa Aurora; Limay, Bataan; Baliuag, Bulacan; Aliaga, Bongabon, Gen Natividad, Jaen San Antonio, San Leonardo, Sto Domingo at Talevera sa Nueva Ecija; Camiling, Tarlac; Botolan at San Felipe naman sa Zambales.
Wala naman naitala sa Election Areas of Grave Concern (EAGC) ayon kay Baccay.
Ang mga nabanggit na lugar ay kabilang sa yellow at orange category ng election hotspots na binabantayan ng Comelec at PNP.
Paglilinaw ni Baccay, mayroong panuntunan ang mga kapulisan sa pagtukoy ng mga election hotspots na mayroong apat na kategorya na ibinabase sa mga panuntunan tulad ang mahigpit na tunggalian ng mga politiko, pagkakaroon ng insidenteng may kaugnayan sa halalan, at may prisensiya ng armed group, gun for hire at Communist Terrorist Group.
Una sa kategorya ay ang green o election areas of no security concern, sumunod ang yellow category o election areas of concern na kinakikitaan ng isa lamang na factor tulad kung may naitalang insidenteng may kaugnayan sa eleksyon.
Pangatlo ay ang orange category o election areas of immediate concern na may dalawang dahilan gaya kung mayroong naiulat na insidenteng may kinalaman sa eleksyon at mayroon pang mahigpit na tunggalian ng mga politiko, at ang pinakahuli ay ang red category o election areas of grave concern na mga lugar na mayroong higit sa dalawang salik.
Walang lokalidad sa rehiyon ang nasa ilalim ng red category.
“Hindi naman ibig sabihin ay magulo na sa mga lugar na kasama sa yellow at orange category bagkus ay layunin ng mga itinakdang kategorya na matutukan ang pangangailangang seguridad ngayong panahon ng halalan,” paliwanag ni Baccay.
Kagaya sa Nueva Ecija na bagamat mayroong history ng political rivalry sa ilang lokalidad partikular na sa ika-apat na distrito ay masasabing mapayapa ang kabuuang sitwasyon dahil na din sa mga isinasagawang hakbang ng mga otoridad.
Nilinaw din ni Baccay na maituturing na peaceful sa ngayon ang sitwasyon ng Central Luzon kaugnay sa nalalapit na halalan.