Gov. Fernando bumuo ng task force bilang paghahanda sa Super El Niño

PAGHAHANDA PARA SA SUPER EL NIÑO. Tinipon ng Tagapangulo at Gobernador Daniel R. Fernando ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ang konseho sa isang emergency meeting sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Lungsod ng Malolos, Bulacan noong Oktubre 8, 2026 upang talakayin ang mga estratehiya sa pagtugon ng probinsya para sa paparating na super El Niño. Kasama ng gobernador sina (mula kaliwa) Pinuno ng PDRRMO Manuel M. Lukban, Jr., Pangalawang Gobernador Alexis C. Castro, at Provincial Administrator Antonia V. Constantino.

LUNGSOD NG MALOLOS — Tinipon ni Gobernador Daniel R. Fernando ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center noong Oktubre 8, 2026 kung saan binuo ang  El Niño Task Force,  isang hakbang upang protektahan ang probinsya at tulungan ang mga komunidad na maghanda para sa mga posibleng epekto ng Super El Niño.

Ang pagbuo ng task force ay bahagi ng proactive preparedness ng Bulacan kaugnay ng paparating na matinding El Niño na inaasahang magdudulot ng matinding tagtuyot mula sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027.

Sinabi ni Fernando na handa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na tugunan ang nalalapit na tagtuyot, na nakatuon sa pagsiguro ng maiinom na tubig, pagtiyak ng irigasyon sa bukid, at pagpapanatili ng sapat na pagkain.

Dagdag pa niya, bagama’t naipatupad na ang mga estratehiya sa ilalim ng El Niño Task Force, nananatiling mahalaga ang kooperasyon ng bawat pamilyang Bulakenyo, tulad ng pagtitipid ng tubig at pagtatanim ng mga gulay na nangangailangan ng kaunting pagdidilig.

Inuuna rin ng pamahalaang panlalawigan ang suporta para sa sektor ng agrikultura upang matiyak ang matatag na suplay ng pagkain sa panahon ng tagtuyot. 

Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatala sa mga magsasaka at mangingisda sa mga programa ng crop insurance at pagbibigay ng mga bomba ng irigasyon at mga subsidiya para sa mga pataba, pestisidyo, at mga buto.

“Hindi natin dapat hintaying makaranas ng kakulangan sa tubig, pinsala sa kabuhayan, at mga panganib sa kalusugan bago tayo kumilos. Ang ating prayoridad ay pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan ng Bulacan—lalo na ang ating mga magsasaka, mga pamilyang nanganganib sa kakulangan ng tubig, at mga sektor na higit na mahihirapan sa matinding init,” sabi ng gobernador.

Sa pulong, tinalakay at inaprubahan ng konseho ang panukalang executive order na nagtatatag ng El Niño Task Force, kung saan ang gobernador ang chairperson at ang Provincial Science and Technology Office ang co-chairperson.

Ang task force ay pangungunahan ng Provincial Agriculture Office (PAO) sa Food Security; Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) sa Water Security; Provincial General Services Office (PGSO) sa Energy Security; Provincial Health Office–Public Health (PHO-PH sa Health Security); at Department of the Interior and Local Government (DILG)-Bulacan sa Safety Security. Ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang magsisilbing secretariat.

Sinabi ni Fernando na dapat malinaw na tukuyin ang mga tungkulin ng bawat tanggapan, ang mga kinakailangan para sa pondo at kagamitan, at ang sistema ng koordinasyon na kinasasangkutan ng mga lungsod, munisipalidad, barangay, at mga ahensyang katuwang.

Ipinaalam ni Julie M. Nimes, Weather Specialist II ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa konseho ang tungkol sa abiso sa klima ng El Niño. Batay sa ipinakitang pananaw, maaaring makaranas ang Bulacan ng tuyong panahon sa katapusan ng Nobyembre 2026, isang tagtuyot mula Disyembre 2026 hanggang Enero 2027, at tagtuyot mula Pebrero hanggang Marso 2027.

Naglahad din ng kani-kanilang mga hakbang sa paghahanda ang PDRRMO, PAO, Provincial Veterinary Office (PVO), Provincial Engineer’s Office (PEO), BENRO, PHO-PH, Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO), Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan, Department of Education (DepEd) Schools Division of Bulacan, Bureau of Fire Protection (BFP), Manila Electric Company (Meralco), at National Irrigation Administration (NIA).

Binigyang-diin ni Fernando na ang pagpupulong ay dapat isalin sa napapanahon at konkretong aksyon upang matulungan ang mga komunidad na maghanda at mapanatili ang mahahalagang serbisyo.

Sinabi naman ni Vice Gov. Castro na patuloy nilang isusulong ang mga kinakailangang paghahanda at koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan.

“Regular naming susubaybayan ang sitwasyon sa aming probinsya—lalo na tungkol sa suplay ng tubig, mga lugar na malamang na maapektuhan, at mga abiso mula sa PAGASA—upang agad naming matukoy at matugunan ang mga pangangailangan ng aming mga kapwa mamamayan,” sabi ni Castro.

Dagdag pa ni Castro na ang kooperasyon ng bawat pamilyang Bulakenyo ay malaking tulong din—sa pamamagitan ng simpleng pagtitipid sa tubig, pag-iingat laban sa matinding init, at pananatiling updated sa mga abiso sa loob ng mga komunidad.