
LUNGSOD NG MALOLOS β Nagkamit ang lalawigan ng Bulacan ng dalawang pangunahing parangal, ang SubayBAYANI Exemplar Award para sa proyektong Concreting of Farm-to-Market Road sa Barangay San Mateo, Norzagaray, at ang Most Outstanding Performer Award para sa natatanging pamamahala sa lalawigan, sa 2026 Central Luzon SubayBAYANI Awards cum Infrastructure Governance Summit na ginanap sa Widus Hotel, Clark Freeport Zone, Pampanga noong Oktubre 8.
Isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Central Luzon ang summit na may temang βRecognizing Outstanding Local Governance and Infrastructure for a Progressive Central Luzonβ upang kilalanin ang mga lokal na pamahalaang nagpapakita ng pananagutan, katatagan, at kahusayan sa paglilingkod sa publiko.
Namukod-tangi ang farm-to-market road project ng Bulacan bilang huwarang halimbawa ng pagpapaunlad ng lokal na imprastraktura, at kinilala sa pamamagitan ng Most Significant Change Story para sa mga Locally Funded Project ng summit.
Pinatunayan naman ng pagkakapili sa Bulacan bilang Most Outstanding Performer ang matibay nitong pangako sa tapat, malinaw, at nakatuon sa komunidad na pamamahala, kung saan ipinapakita nito kung paano naisasalin ng epektibong pamumuno at pagtutulungan ang mga pampublikong pondo sa mga makabuluhang benepisyo para sa mga mamamayan.
Nagwagi rin ang lalawigan bilang regional finalist para sa Best Local Project Monitoring Committee (LPMC), na patunay ng dedikasyon ng Bulacan sa malinaw, may pananagutan, at aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagsubaybay sa mga proyekto.
Kinilala rin ang iba pang lokal na pamahalaan sa Bulacan dahil sa mahusay na pagsubaybay ng mga proyekto at pamamahala, kung saan kapwa nagkamit ng SubayBAYANI Exemplar at Most Outstanding Performer awards ang Lungsod ng Meycauayan at Bayan ng Pulilan, habang naging regional finalist din sa LPMC ang Meycauayan kasama ang Lungsod ng San Jose del Monte at Bayan ng Angat, nakatanggap ng SubayBAYANI Exemplar honors ang Lungsod ng Malolos at Bayan ng Obando, kinilala bilang Lil Hub Partner ang Bayan ng DoΓ±a Remedios Trinidad, at ginawaran bilang SubayBAYANI Compliant ang San Jose del Monte.
Dumalo rin sa paggawad sina Abgd. Nikki Manuel S. Coronel, Chief of Staff at kinatawan ni Gobernador Daniel R. Fernando; DILG Bulacan Provincial Director Myrvi Apostol-Fabia; Nanunuparang Puno ng Provincial Planning and Development Office Inh. Randy Po; at iba pang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ipinapakita ng mga parangal na ito ang mahusay na kumbinasyon ng tapat na pamamahala at maayos na mga imprastraktura sa pagbubukas ng mga bagong oportunidad, pagpapaganda ng mga komunidad, at pagtiyak na natatanggap ng mga mamamayan ang dekalidad na serbisyong nararapat para sa kanila.





