Kaligtasan sa mga paaralan, inuna sa Bulacan sa pamamagitan ng pinaigiting na seguridad

LUNGSOD NG MALOLOS — Bilang tugon sa mga hamon sa seguridad sa mga paaralan sa buong bansa kamakailan, ipinatupad ang mas mahigpit na mga hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral sa Bulacan sa pangunguna ni Provincial Peace and Order Council (PPOC) Chairman at Gobernador Daniel R. Fernando sa isinagawang joint quarterly meeting ng PPOC, Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) noong Setyembre 18 sa Hiyas ng Bulacan Convention Center dito.

Sa gitna ng mahigpit na pangangailangan para sa maigting na seguridad at ugnayan sa pagitan ng mga paaralan at kapulisan, nilinaw ni Fernando na hindi na hihintayin ng lalawigan na may mangyaring trahedya bago umaksyon.

“Inaatasan natin ang ating kapulisan na patuloy na paigtingin ang police visibility at makipag-ugnayan sa [Department of Education] DepEd upang matiyak ang pagpapalaganap ng seguridad sa ating mga paaralan, kung saan ay dapat na maging pangalawang tahanan para sa ating mga mag-aaral, tahanan na kung saan sila ay panatag at ligtas na matuto, isang lugar na walang bullying, abuse at trauma,” ani Fernando.

Bilang konkretong hakbang, dalawang resolusyon ang nagkakaisang ipinasa ng konseho, kabilang ang panawagan sa lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan na suportahan ang DepEd sa pagpapalakas ng seguridad sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagkakaloob at paggamit ng metal detectors, at ang paghikayat sa DepEd na bumuo ng school security plans para sa lahat ng pampublikong paaralan sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP).

Gayundin, ipinahayag ni Fernando na opisyal nang kinilala ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan bilang isang drug-free workplace matapos itong mabigyan ng kaukulang sertipikasyon noong Setyembre 15, 2026.

“Malugod kong ibinabalita na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay inisyuhan ng katibayan bilang isang drug-free workplace at ito ay iginawad noong Setyembre 15, 2026, patunay lamang ito ng ating seryoso at masigasig na pagsusumikap sa pag-iwas at pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot,” ani Fernando.

Kaugnay ng sertipikasyon na ipinirisinta, hiningi ni Fernando ang paglilinaw sa pagkakaiba ng mga terminong drug-free at drug-cleared, na ipinaliwanag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan Provincial Barangay Drug Clearing Officer Ronamel Reyes, kasabay ng pagbabahagi nito ng mga inaasahang pagbabago sa mga polisiya at bagong requirements mula sa Dangerous Drugs Board (DDB).

Dinaluhan ang quarterly meeting ng mga kinatawan at pangunahing lider mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Department of the Interior and Local Government, PNP Bulacan, PDEA Bulacan, 70th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines, COMELEC, at DepEd upang pagtulungan ang pagpaplano, koordinasyon, at pagsusuri sa mga programa para sa kapayapaan, kaayusan, at seguridad sa buong lalawigan.