PaSSSada Express inilunsad ng SSS para sa transport sector sa Bulacan

Mismong ang mga kawani ng Social Security System (SSS)  Luzon Central 2 Division ang nagtungo sa mga selected mall terminals gaya ng SM Center Pulilan Terminal noong Setyembre 4, 2026 upang isagawa ang simultaneous PaSSSada Express activity upang ihatid ang kanilang serbisyo sa sektor ng transportasyon kung saan pangunahing makikinabang ng kanilang serbisyo ang mga drivers at operators kasama na rin ang mga commuters. Kuha ni ELOISA SILVERIO

PULILAN, Bulacan — Isinagawa ng ahensiya ng Social Security System (SSS) ng Luzon Central 2 Division ang kanilang PaSSSada Express na ginanap sa SM Center Pulilan Transport Terminal sa Barangay Sto. Cristo sa Pulilan, Bulacan noong Biyernes, Setyembre 4.

Ayon kay Gloria Corazon M. Andrada, Vice President, Luzon Central 2 Division, sa pamamagitan ng SSS PaSSSada Express, hindi na kailangan pang pumunta ng mga miyembro ng sektor ng transportasyon sa mga tanggapan ng ahensiya para maihatid ang kanilang serbisyo.

 Ang PaSSSada Express ay simultaneous activity at inisyatibo ng ahensiya upang maihatid ang serbisyo ng gobyerno sa nasabing sektor gayundin ang mga commuters.

“Kami na po ang lumapit sa kanila para yun mga serbisyo namin sa opisina ay direkta na rito nila maa-avail gaya ng mga online services ay personal na sila maaasistihan ng ating mga kawani. Gusto natin na maihatid ang serbisyo at proteksyon ng sektor ng transportasyon gaya ng mga drivers and operators maging ang mga commuters ay dito na nila maa-avail ang aming serbisyo,” wika ni Andrada.

Ang PaSSSada Express activity ng SSS Luzon Central 2 Division ay sabay-sabay isinasagawa sa anim na branches sa Angeles City, Baliuag City, Bocaue, Dau, Malolos City, Meycauayan City, Olongapo, Pampanga, San Jose Del Monte City at Sta Maria.