Bulacan segment ng Luzon Economic Corridor cargo rail project, idadaan sa ilalim ng NSCR viaducts

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tatahak sa ilalim ng mga viaduct ng North-South Commuter Railway (NSCR) System ang Bulacan-segment ng mga riles ng magiging Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Cargo Railway Project na pangunahing bahagi ng binubuong Luzon Economic Corridor. 

Iyan ang kinumpirma ni Bases Conversion and Development Authority President and Chief Executive Officer Joshua Bingcang sa isang panayam ng Philippine Information Agency kaugnay ng update sa binubuong right-of-way para sa proyektong SCMB cargo railway. 

Matatapos na rin aniya ang feasibility study sa tulong ng Sweden na nagkaloob ng US$1.3 milyong grant. 

Isa naman ang Asian Development Bank sa mga magpopondo sa aktuwal na pagtatayo ng SCMB Cargo Railway Project.

Sa pakikipagpulong ng mga kinatawan ng Department of Transportation (DOTr) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, ibinahagi ni Provincial Administrator Antonia Constantino na isa itong panibagong pagkakataon para sa Bulacan upang muling makapag-ambag sa Luzon Economic Corridor sa larangan ng transportation, logistics, connectivity, at makapagbukas ng mga bagong oportunidad sa trabaho. 

Sa kasalukuyan, malinaw na ang right-of-way na dadaanan ng SCMB Cargo Railway Project sa ilalim ng NSCR Viaduct partikular mula sa Lungsod ng Malolos hanggang sa bungad ng Lungsod ng Valenzuela kung saan buo na ang nasabing istraktura. 

Ayon naman kay DOTr Assistant Secretary Irish Calaguas na nangangasiwa sa mga right-of-way ng mga big-ticket railway projects, sinimulan na ang pag-aalis ng mga istraktura sa mga dinadaanan ng NSCR partikular sa Malolos, bayan ng Calumpit sa Bulacan, at lungsod ng San Fernando sa Pampanga na katumbas ng nasa 80 porsyentong naresolbang right-of-way. Target itong maging 100% sa pagtatapos ng taon. 

Mula sa bahagi ng Bulacan, makakadugtong nito ang bahagi ng SCMB sa Clark hanggang Subic na tatahak naman kapantay ng Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX.

Ang SCMB Cargo Railway Project ay isang pangunahing proyekto na bahagi ng binubuong Luzon Economic Corridor. 

Nabuo ang inisyatibo sa pamamagitan ng isang trilateral agreement na pinagtibay ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan bilang resulta ng official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Washington D.C. noong Abril 2024. 

Ito ang kauna-unahang proyektong isinakatuparan na naaayon sa Partnership for Global Infrastructure and Investments ng mga bansang Group of 7 o G7.

Target gawing isang ‘investment magnet’ ng Pilipinas ang Luzon Economic Corridor upang hindi lamang maging bagong paglagakan ng mga dekalidad na pamumuhunan, kundi maging pangunahing supply chain sa larangan ng semiconductors, artificial intelligent, minerals, at iba pang malalaking industriya. 

Ngayon pa lamang ay sunud-sunod na ang pagdating ng mga bagong pamumuhunan tulad ng shipyard ng Hyundai sa Subic Bay Freeport Zone at ang pagbubuo ng tinaguriang Pax Silica sa New Clark City sa Capas, Tarlac.