
CLARK FREEPORT ZONE (PIA) — Magbibigay ng mga panibagong oportunidad ang pagbubukas ng permanenteng sangay ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa Clark Freeport Zone, partikular sa pagbuo ng Pax Silica na bahagi ng Luzon Economic Corridor.
Iyan ang sentro ng mensahe ni Clark Development Corporation (CDC) President and Chief Executive Officer Agnes Devanadera sa pagpapasinaya ng nasabing sangay na itinayo sa lupa ng Mt. Carmel Medical Center sa Ninoy Aquino Avenue, na minsang natulungan din ng DBP nang nagsisimula pa lamang itong maitayo.
Bukod sa mga posibilidad na muling makakatuwang ang DBP sa lalong pag-unlad freeport zone, nagkukumpirma rin aniya ito na positibo ang business outlook at mataas ang investors’ confidence sa Clark.
Isang inisyatibo ng Estados Unidos ang Pax Silica na inilunsad noong Disyembre 2025.
Layunin nito na mamuhunan sa mga kaalyadong bansa tulad ng Pilipinas upang matiyak ang suplay para sa artificial intelligence, semiconductors, at mga hilaw na mineral.
Napiling paglalagakan ng Pax Silica economic security zone ang apat na libong ektarya sa loob ng New Clark City.
Ang Pax Silica, na ang ibig sabihin ay “kapayapaan”, ay magiging bahagi ng Luzon Economic Corridor na resulta ng trilateral agreement na pinagtibay ng Pilipinas, Amerika, at Japan sa isang official visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Estados Unidos noong Abril 2024.
Dahil dito, nagpahayag si DBP Senior Vice President Francis Thaddeus Rivera at siya ring head ng Branch Banking Group na handang-handa ang bangko na patuloy na tumulong sa Clark Freeport Zone, New Clark City at sa gagawing Pax Silica upang tunay na makatulong sa pagbubuo ng Luzon Economic Corridor na lilikha ng ilang daang libong mga bagong trabaho at hanapbuhay.
Uubra nilang alalayan sa pamumuhunan ang mga magpapasimula ng konstruksiyon ng mga pasilidad, suppliers at iba pang logistics requirements sa pagbubuo ng Pax Silica.
Lagi na aniyang katuwang ang DBP sa mga naunang proyektong pangkaunlaran dito tulad ng pagpapatayo ng mga athletes’ facilities at national government centers sa New Clark City, na mula nang maging isa sa pinagdausan ng Southeast Asian Games noong 2019, naging regular nang pinagdadausan ng mga national at international sports events.
Kaugnay nito, inilala naman ni CDC Chairperson Edgardo Pamintuan, na sa panahon na siya’y naging punong lungsod ng Angeles nang pumutok ang Bulkang Pinatubo noong 1991, kung gaano napaka maaasahan ang DBP sa oras ng kagipitan at pangangailangan.
Aabot sa P1.3 bilyon aniya ang naitulong ng bangko upang maibangon sa lubos na pinsala ang lungsod ng Angeles.
Sa nakalipas na walong dekada, pinatunayan ng DBP na isa itong tunay na government financial institutions na nakakatuwang sa pagbangon mula sa krisis at lalo sa pagpapatayo ng mga makabagong imprastraktura ng bansa.
Taong 1947 nang itatag ng administrasyon ni Pangulong Manuel Roxas ang noo’y Rehabilitation Finance Corporation upang makatulong na pondohan ang pagbangon ng bansa mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mula sa pagpondo ng rehabilitasyon, itinutok na ang atensiyon nito sa malawakang pagpapalakas ng pambansang ekonomiya kaya’t tinawag na itong DBP mula 1958 at ganap na isang infrastructure bank noong 2017.





