Nasunog ang isang barangay hall at nadamay pa ang apat na silid-aralan na katabi nito at isang bahay sa Barangay Pulong Gubat, Balagtas, Bulacan Lunes ng gabi (Mayo 25).
Basa sa ulat, ang mga nadamay na silid-aralan ay mula sa paaralan ng Marciano Rivera Elementary School at nadamay na rin ang katabing residential house ni Purisimo Gamba.
Ang bahaging ikalawang palapag ng Pulong Gubat barangay Hall ang lubhang napinsala ng nasabing sunog kung saan sa likod naman nito naroon ang paaralan.
Ayon sa report ng Balagtas Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong alas-11:29 ng gabi at umabot sa 3rd Alarm level at idineklarang fire out bandang alas-12:57 Martes ng madaling araw.
Walang naiulat na nasawi o nasaktan sa sunog at inaalam pa ng arson investigators ang sanhi ng sunog habang tinatayang nasa P7-milyon naman ang halaga ng ari-ariang napinsala.





