Owner, contractor ng gumuhong gusali, mananagot

Sa ikatlong araw ng trahedya sa pagguho ng tinatayong condominium-hotel sa Balibago, Angeles City noong Lunes ng madaling-araw ay hindi pa rin nakikipag-ugnayan ang may-ari at kontraktor nito sa mga otoridad.

Miyerkules ng umaga ay naglabas ng pahayag ang Angeles City Information Office kung saan nanawagan si Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II na makipagtulungan sa otoridad ang mga nasa likod ng proyekto.

Batay sa Unified Command System na siyang nangangasiwa sa retrieval operation, ang gusali ay pagmamay-ari ng isang Ernest Jackson Lim, habang ang Golden Years Construction and Steelworks naman ang contractor ng building.

Nanawagan ang alkalde sa may-ari at kontraktor na magpakita at makipagtulungan sa otoridad sa isinasagawang imbestigasyon para malinawan ang dahilan ng pagguho ng gusali kung saan apat na ang nasawi at 16 pa ang natabunan.

“The families of the victims deserve answers. The authorities deserve cooperation. The public deserves accountability — and accountability begins with showing up,” Lazatin said

Balik sa Search and Rescue

Samantala, patuloy ang koordinasyon ng Unified Command Management Option sa collapse site habang muling ibinabalik ang focus ng operasyon  sa Search, Rescue & Retrieval, Clearing Operations and Management of the Dead & Missing operations kasabay ng nagpapatuloy na retrieval and recovery efforts sa lugar.

Sa pagbisita ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. sa ground zero, iginiit nito na patuloy na magfocus muna sa incident site, at tutulong ang ahensiya na imbestigahan ang sanhi ng pagguho ng gusali.

Ayon kay Secretary Remulla, pangungunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon para sa data gathering at fact-finding kaugnay sa usapin hinggil sa insidente.

Bago pa bumisita si Sec. Remulla, unang inilahad ni Mayor Lazatin ang ilang action taken ng LGU kabilang ang pagkupkop sa mga pamilya ng biktima at pagbigay ng psycho-social support,  financial assistance, medical and food packages at transportation arrangements pauwi sa probinsiya ng mga narescue katuwang ang DSWD kasabay ng pagbuo ng composite team na binubuo ng mga private engineers, lawyers at iba pang experts para sa masusing investigation upang makapagbigay liwanag sa sanhi ng trahedya. 

Kasama rin sa mga tinalakay ang patuloy na long-term assistance para sa mga apektadong pamilya at iba pang intervention programs ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Binigyang-diin din ng mga opisyal na mananatiling sensitibo ang operasyon para sa mga pamilya ng naapektuhan habang patuloy ang exhausting efforts ng mga responders sa search and rescue operations sa ilalim ng maayos at sistematikong koordinasyon ng Unified Command Management Option.

Patuloy namang nakikiisa ang Angeles City Government sa pagdadalamhati ng mga pamilya at humihiling ng panalangin, pag-unawa, at respeto mula sa publiko habang nagpapatuloy ang operasyon at imbestigasyon.

Personal ding binisita ng bagong talagang Department of Labor and Employment (DOLE) Acting Secretary Francis Tolentino ang “ground zero” at nag-inspeksyon kasama sina Pampanga 1st District Congressman Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. at Mayor Lazatin upang tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga naapektuhang manggagawa at residente sa lugar.

Pinag-aaralan na umano ng DOLE ang mga posibleng paglabag sa labor laws ng may-ari at contractor ng gumuhong siyam na palapag na gusali.

Ayon sa kalihim, oras na mapatunayan ang mga paglabag, magsasampa sila ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.

Samantala, positibo rin si Tolentino, na dati ring nagsilbing chairman ng Metropolitan Manila Development Authority, na may posibilidad pang may makuhang buhay mula sa gumuhong gusali.

Magpapatuloy naman ang search, rescue and retrieval operation sa lugar ng insidente.