
Muling ipinamalas ng Pamahalaang Bayan ng Pulilan sa Bulacan ang kanilang tradisyunal na pagdiriwang ng makulay na parada ng mga kalabaw sa kanilang ipinagmamalaking “Kneeling Carabao Festival” nitong nakaraang Huwebes bilang pasasalamat sa kanilang Patron na San Isidro Labrador sa masaganang ani at biyayang ipinagkakaloob sa mga magsasaka.
Tampok sa pagdiriwang na dinaluhan ni Bise Gob. Alexis C. Castro ang tradisyunal at dinarayo na pagluhod ng mga kalabaw sa harap ng Diocesan Shrine and Parish of San Isidro Labrador at lumang gusali ng PUP sa Brgy. Poblacion, at sa Colegio de Sta. Philomena sa Brgy. Paltao, na sinabayan pa ng sama-samang pagsigaw ng “Viva San Isidro” na sumisimbolo sa debosyon ng mga magsasaka at ng mga taga-Pulilan.

Ayon kay Punong Bayan Rolando Peralta, Jr., sa kabila ng krisis na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng mundo, sinikap pa rin ng Pamahalaang Bayan na maisagawa ang pagdiriwang upang manatiling buhay ang tradisyon ng pasasalamat ng mga magsasaka ng kanilang bayan.
Ibinigay rin niya ang kaniyang panig sa mga isyu na kumalat patungkol sa makulay na monumento ng kalabaw na sikat sa Pulilan.
“Nakita n’yo ba ‘yung Kneeling Carabao Monument namin? Diba naging sensationalize siya? Sabi, bakit ‘yung kalabaw kinulayan ng iba’t ibang kulay? Pero ang kalabaw ay kulay itim. Kasi po, sa Kneeling Carabao Festival namin, ito ay aming pinipintahan dati noong hindi pa ipinatutupad ang Animal Welfare Act,” ani Peralta.
Samantala, ginanap ang Thanksgiving Concert sa Pulilan Plaza kahapon Mayo 15, 8:00 ng gabi, bilang panapos na aktibidad sa pagdiriwang.





