Libreng lote para sa mga residente ng Malolos

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan- May kabuuang 159 residente sa lungsod na ito ang tumanggap ng libreng lote na pagtatayuan ng kanilang tahanan mula sa lokal na pamahalaan katuwang ang Local Housing Board sa isinagawang awarding of certificate noong Abril 10, 2026.


Pinangunahan ni Mayor Christian Natividad ang pamamahagi sa 159 na residente ng Sitio Tuklas, Barangay Mabolo na tumanggap na ng Certificate of Lot Allotment (CELA).
Ayon kay Natividad, matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, tuluyan nang naipagkaloob sa mga residente ang karapatan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan. 

Iniabot ni Mayor Christian Natividad ang Certificate of Lot Allotment (CELA) sa isang mapalad na residente ng Lungsod ng Malolos na kanilang pagtatayuan ng bahay.


Ayon sa mga benepisyaryo, ang pagtanggap ng sertipiko ay hindi lamang simbolo ng pagmamay-ari, kundi isang panibagong yugto ng seguridad at pag-asa para sa kanilang mga pamilya.


Lubos na pasasalamat ang ipinadama ng mga residente ng Sitio Tuklas, na sa wakas ay natupad na ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling lupa. 


Para sa marami, ito ay bunga ng pagtitiyaga at patunay ng malasakit ng lokal na pamahalaan sa kapakanan ng mamamayan.


Binigyan-diin ni Natividad ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sariling lupa bilang pundasyon ng matatag na kinabukasan. Hinikayat din niya ang mga residente na pangalagaan at paunlarin ang kanilang mga ari-arian bilang bahagi ng kolektibong pag-unlad ng komunidad.


Ayon sa Local Housing Board, 82 pa sa mga aplikante ang nagaayos ng kanilang mga dokumento upang matanggap ang kanilang sertipiko. 


Ang Tuklas Resettlement Site sa Malolos ang siyang magiging ‘sanctuaryo’ o luklukan ng mga Malolenyong walang sariling bahay at umaasa sa kalinga ng gobyerno.