
Nais ng Bureau of Customs (BOC) na bago sana matapos ang taong 2025 ay marekober o maibalik na sa 12,000 mga Overseas Filipino Workers (OFW) ang kanilang mga undelivered Balikbayan Boxes kung saan nagbigay suporta ang nasabing ahensiya sa pamamagitan ng Balikbayan and OFW Action Center (BOAC) sa pagsasampa ng kaso laban sa Makati Express Cargo, Inc. (MECI) sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Disyembre 4, 2025.
Nabatid na itinatag ang BOAC bilang bahagi ng kampanya ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno upang pangalagaan ang interes ng mga OFWs at palakasin ang mga sistema na ma-garantiyahan ang kanilang mga padala ay maipo-proseso nang tama, maayos, at may integridad.
Sa pamumuno ni Deputy Commissioner Michael C. Fermin ng Internal Administration Group, aktibong nakikipagtulungan ang BOAC sa mga apektadong OFWs sa pagkalap ng mga hinaing, pagsiyasat sa mga reports, at pagtukoy sa mga karampatang kaso laban sa mga mapang-abusong kumpanya.
Ang prosesong ito ang naging susi upang tuluyang makapagsampa ng kaso ang mga OFWs laban sa MECI – isang mahalagang bahagi sa patuloy na misyon ng BOAC na protektahan ang kanilang karapatan at tiyakin na ang sinumang responsable ay haharap sa mata ng batas.
Ayon kay Fermin, ang mga OFW Balikbayan Boxes ay nagmula sa mga bansang USA, Qatar, Saudi Arabia United Arab of Emirates.
Dagdag pa ni Fermin na umaabot sa 52,000 Balikbayan boxes ang nasa 130 containers at ang apektado ay halos nasa 12,000 OFWs.
“Para sa ating mga bagong bayani sa ibang bansa, bawat balikbayan box ay simbolo ng kanilang taong sakripisyo at pagsisikap na masuportahan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas,” ani Fermin.
Ibinahagi din ni Deputy Commissioner Fermin ang patuloy na pagtutulungan ng BOC, NBI, Department of Finance, at kaukulang mga embahada sa pagbuo ng matibay na kaso laban sa mapang-abusong logistics operators, “We have already met with the Philippine Embassy and the Embassy of Qatar to discuss ways to halt these operations and ensure accountability even overseas. We hope this step sends a clear message that the Philippine government will not tolerate this kind of abuse against our kababayans, especially during the holiday season.”
Sa pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, patuloy na nakikipag-ugnayan ang BOAC sa national government upang siguruhin na ang lahat ng apektadong balikbayan boxes ay maipapadala pa rin sa kanilang mga recipients.
Ayon kay Commissioner Nepomuceno, “Patuloy na isusulong ng Bureau of Customs ang mas maayos at transparent na sistema sa proseso ng balikbayan boxes at papanagutin ang sinumang lalabag sa karapatan ng mga OFWs, alinsunod sa direktiba ng ating Pangulo na pagtuunang maigi ng pansin ang mga hinaing ng ating mga kababayan. Bukod sa pagsuporta sa kanilang mga pamilya, sila rin ay katuwang ng gobyerno sa patuloy na pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.”
Pinaalala naman ni Atty. Angelito DLP Magno, Officer-In-Charge – Director ng NBI, ang kahalagahan ng inter-agency cooperation. “Sa tulong ng ating BOC at ng iba pang ahensya ng gobyerno, ibibigay natin lahat ng ating maiibigay na tulong para mabantayan ang karapatan nila (OFWs). Umpisahan natin na imbestigahan ito, alamin natin kung saan ang magiging puno’t-dulo nito para kung sino man ang kailangang managot sa pamamagitan ng pagkalap natin ng ating mga ebidensya ay mapanagot sila.”
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang 14 complainants na karamihan ay mula sa Middle East sa gabay at tulong ng BOC mula sa initial reporting ng kanilang reklamo hanggang sa pormal na pagsampa ng kaso.
Isa rin sa kanila ang nagsabi, “Sa ating mga kababayang OFWs, mag-ingat tayo sa mga kumpanyang pinagkakatiwalaan natin sa pagpapadala ng balikbayan boxes. Nagpapasalamat din ako sa BOC sa mabilis nilang aksiyon at pagtulong sa pagsampa ng kaso, at sa NBI sa mainit na pagtanggap at pagtulong na mapanagot ang mga responsable sa kasong ito.”
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na misyon ng BOC na palakasin ang integridad sa operasyon ng customs, pangalagaan ang kapakanan ng OFWs, at sugpuin ang anumang uri ng unlawful trade practices.
Pinapaalalahanan din ng BOC ang lahat ng OFWs na maging mapanuri at iwasang makipagtransaksyon sa mga kahina-hinalang freight forwarding companies sa ibang bansa – lalo na iyong may nakaraang kaso ng kapabayaan, non-delivery, o anumang paglabag sa batas – upang matiyak na ligtas at maayos makararating sa kanilang pamilya ang kanilang pinaghirapang mga padala.





