Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Muling pinatunayan ng Police Regional Office 3 ang kanilang kahusayan at dedikasyon sa pamamagitan ng kanilang natatanging pagganap at pagwawagi sa dalawang pangunahing kategorya sa nakaraang 70IB Commander’s Cup na ginanap sa Brgy. San Juan Baño, Arayat, Pampanga nitong Linggo, Disyembre 15.
Pinangunahan ni PCol Enrico Figueroa, Acting Force Commander ng Regional Mobile Force Battalion kasama ng lima pang personnel ng RMFB3 ang matagumpay na paglahok sa nasabing paligsahan na kung saan sila ay itinanghal bilang kampeon sa Classic Lawman at Team Category.
Ang aktibidad ay nilahukan din ng iba pang mga tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Ang tagumpay na ito ay patunay ng walang sawang pagsusumikap at kahusayan ng ating mga tauhan sa PRO3. Ang kanilang dedikasyon at pagmamahal sa tungkulin ay nagbubunga ng tagumpay hindi lamang sa mga operasyon kundi pati na rin sa mga ganitong uri ng paligsahan. Ipinagmamalaki natin ang kanilang mga tagumpay at ang patuloy na pagtangkilik sa ating mga misyon bilang isang makabago at maaasahang pwersa ng batas,” ani PRO3 Director PBGen Redrico Maranan.