PBB inihayag mga tulong sa Bulacan, pinsala uabot sa P895M

LUNGSOD NG MALOLOS– Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kasama ang ilan sa kanyang mga gabinete kina Gobernador ng Bulacan Daniel R. Fernando at iba pang pinuno ng lokal na pamahalaan sa lalawigan upang tingnan mismo ang sitwasyon at ihayag ang mga tulong para sa mga Bulakenyo na apektado ng Bagyong Carina na pinalakas ng hanging habagat.

Bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa Bukacan para sa isang Situational Briefing on the Effects of Suoer Typhoon Carina and the Enhances Southwest Monsoon in Region 3 kasama ang mga concerned Government agencies at sina Gov. Daniel Fernando ng Bulacan, Gov. Dennis Pineda ng Pampanga, Gov Joet Garcia ng Bataan, Malolos Mayor Christian Natividad na ginanap sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan Capitol Building sa Malolos City nitong July 27, 2024. Photo by: ELOISA SILVERIO

Sa situational briefing na ginanap sa Benigno Aquino Sr. Session Hall sa loob ng Kapitolyo ng Bulacan, sinabi ng pangulo na karagdagang water impounding facility na sasalo ng tubig na nagmumula sa matataas na lugar tuwing tag-ulan at pagmumulan ng tubig at irigasyon tuwing tag-araw ang solusyon sa problema sa pagbaha ayon na rin sa payo ng hydrology experts.

 

“Ang talagang pinagmulan ng baha, hindi ‘yung masyadong ulan kundi ‘yung bumabang tubig. Ang laki ng bumaba na tubig sabay-sabay, bigla. Hindi na nakayanan ng ating slope protection, flood control, mga dike,” anang pangulo.

 

Samantala, sinabi ni Kalihim ng Department of Social Welfare and Development Rex Gatchalian na 90,086 family food packs ang ipinamahagi na sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan, habang ang karagdagang 109,781 ay inaasahang maibibigay sa loob ng linggong ito.

 

Gayundin, nangako si Kalihim ng Department of Labor and Employment Bienvenido Laguesma ng P46 milyong halaga ng tulong pangkabuhayan sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) sa lalawigan.

 

Sa kabilang banda, iniulat ni Fernando na lahat ng apat na lungsod at 20 bayan ng lalawigan na apektado ng pagbaha ay nagresulta sa higit P895 milyon na kabuuang pinsala kabilang ang P789 milyon sa imprastraktura, P103,775,818.85 sa agrikultura at pangisdaan, at P2,091,600 sa livestock at poultry.

 

Dagdag pa ng gobernador na lolobo pa ang halagang ito sa mga susunod na araw dahil isinasagawa pa rin ang pagtatasa sa iba pang mga lugar.

 

Sinabi rin niya na 1,679,973 indibidwal o 492,932 pamilya ang apektado sa Bulacan.

 

Bagaman ang pangunahing alalahanin sa ganitong mga panahon ay disaster preparedness, risk reduction, relief, at recovery, idiniin ni Fernando na nakatutok ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangmatagalang solusyon sa deka-dekada nang problema.

 

“Kung hindi nga lamang  po sa masungit na panahon ay nakatakda na sana nating simulan ang Bulacan River Restoration Program to be led by  engineers, environmental experts and geologists sa ilalim ng interagency committee katuwang ang DENR at DPWH,” anang gobernador.

 

Maliban sa Bulacan, narinig rin ng pangulo ang ulat mula kina Gobernador ng Pampanga Dennis Pineda at Gobernador ng Bataan Jose Enrique Garcia III hinggil sa kalagayan ng kani-kanilang lalawigan sa gitna ng sakuna.