Bulacan, pinakamayamang lalawigan sa Pilipinas

LUNGSOD NG MALOLOS– KINILALA ang lalawigan ng Bulacan bilang siyang may pinakamataas na nakolektang lokal na kita para sa taong 2020 mula sa 81 lalawigan sa buong Pilipinas ayon sa listahan na inilabas ng Bureau of Local Government Finance sa ilalim ng Department of Finance kamakailan.

GOB DANIEL FERNANDO

Umabot sa P1.72 na bilyon ang naitalang kita ng lalawigan mula sa mga koleksyon sa buwis na real property tax (RPT), local business tax (LBT) at iba pang lokal na buwis, iba pang bayarin sa lalawigan gaya ng regulatory fees at user charges, at mula sa mga operasyon ng lokal na mga negosyo.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, palaging nakakasama ang lalawigan sa 10 may pinakamatataas na kita sa bansa sa mga nagdaang taon, ngunit sa pagkakataong ito ay naging numero uno sa kabila ng pandemyang kinakaharap ng lahat.

“Nagpapasalamat ako sa ating mga Bulakenyo taxpayers sa kanilang pagiging responsable at mabuting mamamayan. Ang pagkilalang ito ay malinaw na indikasyon ng paglago ng ekonomiya ng Bulacan maging sa gitna ng pandemya. Patunay din ito ng pagtitiwala ng mga Bulakenyo sa kasalukuyang pamamahala ng ating lalawigan. Ito ay titiyakin natin na magbubunga ng ibayong kaunlaran at lalong mabuting serbisyo para sa ating mga mamamayan,” ani Fernando.

Ang iba pang lalawigan na kabilang sa nangunang 10 sa listahan ay ang Bataan, Rizal, Pampanga, Quezon, Batangas, Iloilo, Bukidnon, Pangasinan, at Cavite.

Bukod dito, kinilala din ang bayan ng Marilao bilang isa sa 10 na munisipalidad na nagtala ng pinakamatataas na kitang lokal na may P473.95 milyon para sa taong 2020.

Ayon sa BLGF, ang taunang target ng pagganap ng BLGF para sa lokal na ingat-yaman ay tumutukoy lamang sa mandato sa buwis ng mga lokal na pamahalaan kabilang ang RPT, LBT at iba pang lokal na buwis, iba pang bayarin sa lalawigan gaya ng regulatory fees at user charges, at mula sa mga operasyon ng lokal na mga negosyo, at hindi kabilang ang koleksyon at iba pang kita nito gaya ng interes sa kita, rebate, pagbebenta ng mga ari-arian at iba pang minsanang lokal na kita.