100k Bulakenyo babakunahan sa 3-day National COVID-19 Vaccination Days


SINIMULANna ng lalawigan ng Bulacan ang pagbabakuna sa mga Bulakenyo sa lahat ng sektor sa pagsisimula ng tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Days na isinagawa sa iba’t ibang lugar sa lalawigan kung saan layon nito na mabakunahan ang 182,982 na mga indibidwal mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, 2021. 

Ayon kay Dr. Hjordis Marushka B. Celis, direktor ng Bulacan Medical Center, 98 vaccination sites ang itinalaga sa buong lalawigan kung saan kabilang ang Hiyas ng Bulacan Pavilion Convention Center na siyang provincial vaccination center na naglalayon na makapagbakuna ng 1,000 katao kada araw habang 144,498 naman ang hangad na mabakunahan sa 21 munisipyo at 38,484 sa tatlong lungsod sa Bulacan.

Positibo naman si Gob. Daniel Fernando na makakamit ito ng lalawigan sa pakikiisa nito sa kampanya ng pamahalaang nasyunal na may temang “Bayanihan Bakunahan: Ligtas. Lakas. Buong Pinas.”

Bukas ang nasabing bakunahan sa lahat ng mga Bulakenyong may edad 12 taong gulang pataas na hindi pa nababakunahan ng unang dosis; pangalawang dosis para sa mga bata at matatanda, gayundin ang mga nangangailangan na ng booster shots.

“Mas marami tayong mabakunahan, mas maganda para sa atin kaya inaanyayahan at hinihikayat natin ang mga Bulakenyo na hindi pa nababakunahan na samantalahin na ang pagkakataon na ito. Kahit po hindi kayo naka-rehistro, pwede po kayong tumuloy at kayo po ay haharapin ng ating mga frontliner,” ani Fernando.

Matatgpuan ang mga vaccination site sa  Hiyas ng Bulacan Convention Center para sa mga bata hanggang Disyembre 1, habang sa Bulacan Capitol Gymnasium naman para sa mga matatanda hanggang Nobyembre 30.