Patuloy ang ginagawang rescue and retrieval operation ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRMMO) at City DRRMO ng city of San Jose Del Monte sa limang kabataang pinaniniwalaang nalunod at hindi pa rin makita matapos maligo sa Marilao River sakop ng Barangay Gaya Gaya, CSJDM, Bulacan noong hapon ng Agosto 10 sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas ng pag-uulan dulot ng Habagat.
Base sa paunang report, nasa 10 kabataan ang naliligo sa nasabing ilog kung saan pinigilan at pinagbawalan maligo ng barangay officials dahil delikado ang sitwasyon.
Nabatid na bago maganap ang insidente ay papalakas na ang agos ng tubig kaya delikado na sa mga bata ang maligo.
Pansantalang tumigil ang mga kabataan subalit muling bumalik ang mga ito at pilit na tinawid ang ilog.
Dito na isa-isang tinangay ng rumaragasang kulay putik na tubig ang mga biktima hanggang sa hindi na nakaahon at nawala na ang mga ito.
Ayon kay PDRRMO head Manuel Lukban, patuloy ang kanilang search and rescue operation mula pa noong Lunes at as of Wednesday noon ay hindi pa natatagpuan ang mga biktima.
Ayon kay Lukban, wala pang kumpirmasyon na ang mga biktima ay tuluyan nang nalulunod at nasawi sa mga oras na ito.
Ang biktima ay mula sa mga Barangay ng Sto Cristo at Gaya Gaya.





