4 natusta sa sunog sa Bulacan

Patay ang isang mag-asawa pati ang dalawa nitong anak makaraang makulong sa nasusunog nitong bahay sa El Pueblo Del Rio Subdivision, Barangay Caypombo, sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.

Base sa report ng Bureau of Fire Protection – Region 3, na-trap ang mga biktima sa kanilang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay nang maganap ang ang sunog alas-3:00 ng madaling araw.

Kinilala ang mga biktima na sina na si Roy Lozano, asawa nitong si Marie, parehong 39-anyos, at ang dalawang anak nila na sina Cedric, 13, at Andrei, 12.

Nakaligtas naman ang lalaking kasambahay na natutulog sa ground floor matapos na makatakbo palabas nang maramdaman ang init sanhi ng apoy.

Nabatid na mabilis itong humingi ng saklolo sa mga kapitbahay subalit mabilis na lumaki ang apoy at hindi na nailabas ang mag-anak.

Ayon sa imbestigasyon ng BFP, sa ground floor nagsimula ang apoy at mabilis na kumalat patungo sa 2nd floor kung saan natutulog ang mga biktima.

Agad na sumaklolo ang mga tauhan ng BFP subalit hindi na nailabas ang mag-anak dahil may grills ang bintana ng bahay at halos tupok na buong unang palapag.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng dahilan ng sunog.