ABUCAY, Bataan — Nasa 200 punla ng kawayan ang naitanim sa barangay Calaylayan sa bayan ng Abucay, sa pangunguna ng pamahalaang panlalawigan bilang bahagi ng proyektong Bamboohay.
Layunin ng nasabing aktibidad, na may temang “Kaarawan para sa Kalikasan, Kaligtasan at Kabuhayan” na makapagtanim ng mga kawayan upang maprotektahan ang kalikasan laban sa mga sakuna.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Gobernador Jose Enrique Garcia na nakaangkla ito sa panukalang proyekto ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO na magtanim ng mga kawayan sa lalawigan, partikular na sa mga tabing-ilog upang maiwasan ang pagbaha sa panahon ng mga kalamidad.
Inihalintulad din niya na ang mga katangian ng kawayan sa pamilyang Bataeño na matibay, matatag, at kapaki-pakinabang, lalo na sa mga hindi inaasahang pagkakataon partikular na sa mga napagdaanan ng bawat isa nitong nagdaang pandemya.
Samantala, maglalaan naman ng tatlong milyong piso ang PDRRMO para sa pagpapatuloy ng nasabing programa.
Bahagi rin ang nasabing aktibidad ng selebrasyon ng kaarawan ng gobernador.
SOURCE: Camille Anne Bartolome PIA3