LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Pinalad ang 131 na mga Bulakenyo na makalaya mula sa kawalan ng trabaho ngayong kabilang sila sa mga natanggap agad, o pawang Hired On The Spot o HOTS sa ginanap na Kalayaan Jobs Fair sa lungsod ng Malolos.
Ayon kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYPESO Head Atty. Kenneth Ocampo Lantin, umabot sa 11,623 na mga trabaho ang binuksan ngayong pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Kinatuwang ng Department of Migrant Workers o DMW ang PYPESO sa pagdadaos ng jobs fair kaugnay ng mga nasa isang libong trabaho sa ibang bansa na inialok ng 11 mga overseas employers at agencies.
Habang mahigit sa 11 libong lokal na trabaho naman ang iniaalok ng 74 lokal na employers sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment o DOLE.
Pangunahin sa mga trabaho sa ibang bansa na binuksan ay ang sektor ng health care. Mga posisyong nurse ang kailangan sa mga bansang United States, New Zealand, Singapore, Qatar at Saudi Arabia.
Iba pa rito ang mga kailangan na medical technologist, physical therapist, physical therapy aide at assistant physical therapist sa United States. Caregivers naman ang kailangan sa Japan
Sa New Zealand, hinahanap ang mga manggagawa sa larangan ng cabinet maker, polisher, painter, timber hand, fabricator, scaffolder, flooring installer, dispatcher at maintenance.
May kailangan ding mga drivers, construction workers, technician at barista sa Saudi Arabia, Qatar at mga butchers sa Poland.
Iniulat naman ni DOLE-Bulacan Provincial Director May Lynn Gozun na ang mga inialok na lokal na trabaho ay mula sa industriya ng banking and finance, construction, food processing, engineering, health care, human resource, information and communication technology o ICT, manufacturing, logistic and mobility, retail, sanitation, at warehousing.
Mananatili aniyang bukas ang 11,492 pang mga trabaho ngayong natanggap agad ang unang 131 mga HOTS. Kailangan lamang makipag-ugnayan sa PYSPESO upang mailapit sa mga partikular na employers ang isang interesadong aplikante.