Wala nang ma-detect na buhay sa 16 construction workers sa gumuhong gusali sa Pampanga

Itinigil na ng Unified Command System ang kanilang search and rescue operation kung saan araw ng Martes ay sinimulan nman ang retrieval at clearing operation sa collapse site matapos ideklarang wala nang sign of life sa mga naiipit sa loob ng gumuhong under construction na siyam na palapag na gusali noong Linggo ng madaling-araw sa Barangay Balibago, Angeles City.

Ayon kay Bureau of Fire Protection (BFP) Region 3 Spokeperson FSUPT. Maria Leah Sajili, bandang alas-8:27 Lunes ng gabi ay inanusiyo na terminated na ang kanilang search and rescue operation matapos pagdesisyunan sa isinagawang briefing ng Angeles City government, BFP kasama ang local city government ng  Pasig City dahil wala nang ma-detect na buhay pa sa mga biktima.

 Ayon sa Unified Command, gamit ang Pasig City LGU ang kanilang life locator equipment ay naging consistent and final ang naging resulta na nagpapahiwatig na wala nang sign of life sa 16 pang construction workers na nire-rescue.

“Today (Tuesday),  we are transitioning to retrieval and clearing operation, as we from the Unified Command decided last night to seize the search and rescue operation,” wika ni Jay Pelayo, chief of Angeles Public Information Office sa ginanap na morning press briefing.

Nabatid na ilang oras bago inanunsiyo ang transitioning operation ay mayroon pa nade-detect na breathing o sign of life sa isinasagawang thermal scanning o life detector radar ng mga rescuers sa nasabing gumuhong gusali subalit sa final result verification and assessment ay tanging mga life forms mula sa mga animals around at responders mismo ang nasasagap ng scanner.

“Ginawa na po natin lahat ang level ng verification talagang pare-pareho ang kanilang findings, kasi nung una nagsa-simultaneous sila ng searching so even mga nasa kabilang side na rescuers nasasagap, nagkakaroon tuloy ng cross-detection,” ayon kay FSUPT Sajili.

Sa pinaka-huling datos ay 4 ang kumpirmadong nasawi, 16 ang missing at 26 ang na-rescue.

Mano-mano- pa rin ang ginagawang pag-alis ng mga responder ang mga scaffolding, bakal at iba pang sagabal sa gumuhong gusali.

Ayon sa Unified Command, delikado pa na gumamit ng heavy equipment sa ground zero pero nananatiling naka-standby ang mga ito para sa operasyon.

Samantala, nagkaroon naman ng pag-aalay ng panalangin at site blessing sa ground zero kung saan nakiisa rito sina Governor Lilia Pineda, Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II, kasama ang mga responders at pamilya o kaanak ng mga biktimang naapektuhan ng nasabing trahedya.

Nagpaabot ng pakikiramay si Pineda sa mga pamilya ng mga biktima at hinikayat ang buong komunidad na magkaisa sa panalangin para sa lahat ng naapektuhan ng trahedya.