VP Sara Duterte panauhin sa Ika-124 Taong Pagbubukas ng Malolos Congress 

Nag-alay ng bulaklak si Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Department of Education 
Sara Zimmerman Duterte sa monumento ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa patio ng simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos, Bulacan kasama sina Gobernador Daniel Fernando, Bise Gob. Alex Castro, Malolos City Mayor Christian Natividad nang pangunahan ng mgaito pagdiriwang ng  Ika-124 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos, Huwebes, Setyembre 15, 2022.
(Kuha ni: SHANE VELASCO, PIA-BULACAN)

PINANGUNAHAN ni Bise Presidente at Kalihim ng Department of Education (DepEd) Sara Duterte-Carpio ang pagdiriwang ng ika-124 Taong Anibersaryo ng Pagbubukas ng Kongreso ng Malolos na ginanap sa makasaysayang Simbahan ng Barasoain sa Lungsod ng Malolos sa lalawigan ng Bulacan nitong Huwebes, Setyembre 15, 2022.

Kasama rin sa nasabing okasyon ang mga matataas na opisyal sa lalawigan sa pangunguna nina Gobernador Daniel Fernando, Bise-Gob. Alex Castro, Malolos City Mayor Christian Natividad na sinamahansi Duterte sa pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Pangulong Heneral Emilio Aguinaldo.

Ayon kay Duterte, dapat aniyang tularan ng bawat Pilipino ang tibay ng loob at katapangan ng mga bayaning nagtanggol para sa kalayaan at demokrasya.

“Mahalaga ang pagdirwang na ito sa ating kasaysayan bilang Pilipino dahil ang pagbubukas Ng Kongreso ng Malolos ay hudyat ng pagsilang ng malayang Republika ng Pilipinas na pundasyon ng ating demokrasya na pamana ng mga ninuno natin,” ayon kay Duterte.

Aniya, isa sa mga aral na makukuha sa paggunita ng Kongreso ng Malolos ay ang kahalagahan ng pagmamahal sa bayan na nagpapatibay ng loob ng mga bayani para ipaglaban ang ating kalayaan hanggang kamatayan.

Ang administrasyong Marcos ay nagsusumikap na maitawid ang bansa mula sa krisis na dala ng pandemiya. Ang Office of the Vice President at DepEd ay 2 lamng sa mga ahensiya ng gobyerno na magpapatupad ng mga programa para masolusyunan ang mga problema, krisis, at hamon na kinakaharap ngayon ng bansa,” ani Duterte.

Ang selebrasyon aniya ng Malolos Congress ay magsilbi umanong simbolo ng tapang at lkas ng loob ng mga Pilipino na nagkakaisa at nagmamahal sa bayan at patuloy na maging bahagi sa pagkilos para sa pagbabago.

“Sa araw na ito, dito nag-ugat ang mga kahanga-hangang simulain sa pamamahala ng bansa, ang Kongreso ng Malolos ang nagtakda ng kalayaan ng Pilipinas at dito rin binalangkas ang unang Saligang Batas ng bansa,” ayon kay Gob. Fernando.

Paliwanag ng gobernador na ang anibersaryo ng Kongreso ng Malolos ay ang pinakalundo ng taunang pagdiriwang ng Singkaban Festival.

Binuksan ang unang sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain noong Setyembre 15, 1898 sa pangunguna ni noo’y Heneral Emilio Aguinaldo. Pangunahing ginawa sa kongresong ito ang ratipikasyon para magkaroon ng bisa ang proklamasyon ng Kalayaan ng Hunyo 12, 1898.

Sinabi naman ni Malolos City Mayor Christian Natividad, na ang Saligang Batas na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos ay isang pinakamahalagang dokumento ng pagiging isang Republika ng Pilipinas.

Dahil aniya sa Kongreso ng Malolos, naitatag ang Universidad Literaria de Filipinas sa kumbento ng simbahan ng Barasoain. Ito ang unang pamantasan na itinayo mismo ng isang pamahalaan na pinatatakbo ng mga Pilipino noong Oktubre 19, 1898. Kabilang sa mga binuksang asignatura rito ay Civil Law, Criminal Law, Administrative Law, Medicine, Surgery, Pharmacy at Notary.

Idineklara namang special non-working holiday sa lalawigan ng Bulacan sa ilalim ng Proclamation No. 40 upang bigyan daan ang pagdiriwang ng nasabing okasyon.