Anumang panukala na maglagay ng probisyon sa 2022 national budget na gawing requirement ang bakuna kontra COVID-19 bago makatanggap ng ayuda mula sa DSWD tulad ng 4Ps ay magsisilbi lamang pahirap at parusa sa mga mamamayang hindi pa nakakatanggap ng bakuna, ito ang pahayag ni Senator Joel Villanueva.
“Kung mayroon man pong ganoon na panukala, baka hindi ito payagan ng Senado,” ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee.
“Sa panahong hirap ang marami, hindi dapat maging panuntunan ang pagkakaroon ng bakuna sa pagbibigay o hindi pagbibigay ng serbisyo publiko sa mga nangangailangan nito,” dagdag pa ng mambabatas.
Aniya, hindi dapat gawing polisiya ito lalo na’t hindi pa man nangangalahati ang bansa sa target nitong bilang ng mga nabakunahan para maabot ang tinatawag na herd immunity.
“Kung kulang pa rin po ang bakuna at hindi pa po ito nakakaabot sa lahat, huwag po sana nating ipagkait ang mga ayuda sa mga hindi pa nabibigyan ng bakuna,” sabi ni Villanueva.
Ayon sa tala ng DOH hanggang Nobyembre 6, may 32,402,150 nang nakakuha ng first dose ng bakuna samantalang 29,331,626 naman ang nakumpleto ang bakuna. Ang bilang ng fully vaccinated ay umabot lamang sa 38.3% ng 76 milyon na target mabakunahan kasi ito ang 70% ng populasyon.
“Kung isasama pa po ang 12 to 17 age group, mas malaki ang populasyon na dapat mabigyan ng bakuna, at malayo pa nating maabot ito,” ani Villanueva.
Naniniwala ang senador na ang mababang vaccination rate ay dahil sa isyu ng supply, at hindi dahil marami ang may ayaw magpabakuna.
“Yung mga kababayan po natin na nasa socio-economic class E na mga kliyente ng DSWD ay nasa probinsya, o homeless, o kaya walang digital device para magparehistro online para sa bakuna,” ayon kay Villanueva.
Aniya, dapat umanong gamitin ng DSWD ang database nito sa 4Ps upang kumbinsihin ang mga miyembro nito na hikayatin ang pamilya at mga kapitbahay na magpabakuna na.
Dapat gamitin ng DSWD ang pondo nitong P355 milyon sa 2022 na nakalaan sa komunikasyon at advertising upang maglunsad ng kampanya para sa edukasyon tungkol sa kahalagahan ng bakuna.
Para sa taong 2022, humihingi ang DSWD ng P115.67 bilyon para sa 4Ps ng target nitong 4.4 milyon na beneficiaries. Nagsisilbi din ito sa kabuuang 3,835,066 na mga senior citizen na nakakatanggap ng ayuda mula sa Social Pension for Indigent Senior Citizens program na may panukalang pondo na P23.5 bilyon.
Ang ilan pa sa mga programang nakalinya sa DSWD sa susunod na taon ay ang Supplemental Feed Program for Children (P4.16 bilyon); Sustainable Livelihood Program (P4.86 bilyon); KALAHI-CIDSS (P11.1 bilyon); Disaster Response and Rehabilitation Program (P2 bilyon); at Services for Center-Based Clients (P2 bilyon).
Sa kabuuan, ang hinihinging pondo ng DSWD para sa susunod na taon ay P191.4 bilyon, mas mataas ng P14.6 bilyon mula sa kasalukuyang P176.8 bilyon.