NAKATAYA ang reputasyon at kabuhayan ng mga Filipino seafarers kung hindi makapag-comply ang Pilipinas sa European qualifications ng maritime education, training at sertipikasyon.
Ito ang sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva pagkabalik niya mula sa opisyal na biyahe mula sa France upang makipagkita sa mga miyembro ng French Parliament.
Kaya naman nanawagan si Villanueva ng agarang tugon mula sa Maritime Industry Authority (MARINA) at Commission on Higher Education (CHED) upang siguraduhin ang pag-ayon ng bansa sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).
“Mataas ang tingin ng ating mga French counterparts sa dedikasyon at sipag ng ating mga Filipino seafarers na nagtatrabaho sa mga bangkang Europeo. Kailangan nating panindigan ang reputasyong ito sa pamamagitan ng pagpasa sa kwalipikasyon ng ating mga seafarers sa European Union (EU) standards,” sabi niya.
Sinabi rin ni Villanueva na pangunahing alalahanin ang pumasa sa ebalwasyon sa Nobyembre ng European Maritime Safety Agency (EMSA) para sa compliance ng bansa sa STCW.
Lumalabas na hindi pa rin nakakapasa ang bansa sa EMSA mula pa noong 2006, at ang patuloy na hindi pagpasa ay magreresulta sa pagbawi ng recognition ng mga kwalipikasyon ng Filipino seafarers.
“We assured in our meetings with members of the French Parliament that we are doing everything we can to maintain the EU qualifications of our Filipino seafarers. Pangako natin ito hindi lamang sa ating mga European partners, kundi sa mga masisipag nating Filipino seafarers at ang kanilang mga pamilya,” sabi ni Villanueva.
Dati nang nanawagan ang senador sa MARINA at CHED upang itama ang mga kakulangan na napuna nsa 2020 EMSA audit ng SCTW compliance ng bansa, kung saan binigyan ang MARINA ng deadline noong Marso upang tumugon. Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ngayong 2022 ang huling taon para magkaroon ng corrective measures para sa full compliance sa pandaigdigang pamantayan.
Ayon sa DMW, apektado ang may 30,615 na Filipino seafarers na nagtatrabaho sa mga EU-flagged ships, base sa mga numerong inulat sa EMSA Outlook for 2020. Base naman sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nag-uwi ng $6.54 bilyon (Php 378.96 bilyon) ang mga Filipino seafarers noong 2021.
“We need to find how we have been consistently failing the evaluations since 2006, and how MARINA and CHED can snap this losing streak. Paano natin napabayaan ito nang ganitong katagal? Ngayon, nalalagay sa panganib ang buong industriya at mga kabuhayan ng ating mga kababayan,” sabi ni Villanueva.
“MARINA and CHED, in coordination with agencies such as the DMW, should exert all efforts to help the industry and go full speed ahead to support the jobs of our Filipino seafarers,” aniya.
Humingi rin si Villanueva mula sa MARINA and CHED ng kanilang report tungkol sa compliance status ng bansa SCTW, kasama ang kanilang mga rekomendasyon kung paano iwawasto ang mga puna ng EMSA audit.
Ayon sa EMSA audit noong 2020, may mga kakulangan ang Pilipinas pagdating sa education at training programs tungo sa pag-issue ng mga officers’ certificates, mga programa sa pagtuturo at examination methods, mga pasilidad at equipment, pagmomonitor ng inspections at ebalwasyon ng mga maritime schools, at may mga kwestyon din tungkol sa paggamit ng mga simulator at onboard training.
Isinusulong din ni Villanueva ang agarang pagpasa ng Magna Carta of Filipino Seafarers o Senate Bill No. 137, na tumutulong sa mga ahensyang gaya ng MARINA and CHED upang masigurado ang pagsunod ng bansa sa mga pandaigdigang pamantayan gaya ng STCW. Kasama sa panukala ni Villanueva ang pagpapatibay ng mga karapatan ng mga Filipino seafarers, proteksyon ng kababaihang seafarers, at implementasyon ng grievance mechanism.
Umabot sa second reading ang panukalang batas noong ika-18 na Kongreso, kung saan si Villanueva ang principal author at principal sponsor.
Pinakamalaking supplier ng seafarers ang Pilipinas noong 2021 para sa officers at ratings seafarers, ayon sa United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD). Kasama ng Pilipinas sa top 5 ang Russia, Indonesia, China, and India.