PORMAL nang inilunsad ang kauna-unahang satellite office ni Vice Governor Alex Castro sa ginanap na inagurasyon nito sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan nitong Lunes (Oktubre 3, 2022).
Pinangunahan ni Castro at ng kaniyang may-bahay na si Sex Bomb Sunshine Garcia kasama si Sta. Maria Mayor Omeng Ramos ang ribbon-cutting ceremony ng naturang satellite office na tatawaging VG Action Center.
Ito ay matatagpuan sa munisipyo ng Sta. Maria sa loob ng Municipal Tourism Office kung saan isang Banal na Misa ang isinagawa na pinangunahan ni Msgr. Albert Suatengco na siya ring nagbasbas ng nasabing opisina.
Ayon kay Castro, una pa lang ito na magsisilbing extension ng kaniyang tanggapan sa bawat Distrito sa lalawigan ng Bulacan.
Aniya, magkakaroon ang anim na Distrito ng VG Action Center at ang isusunod niyang lalagyan ay ang District 3 sa bayan ng San Rafael na itatayo rin sa buwan ng Oktubre.
Pinasalamatan ni VG Castro ang Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria sa pangunguna at pakikiisa ni Mayor Ramos kung saan ay pinayagan sila na ipahiram ang isang opisina para magamit bilang extension office ngtanggapan ng Vice Governor’s Office.
“Makasaysayan po ang araw na ito sapagkat sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng satellite office ang Vice Governor ng Bulacan. Bokal pa lamang po ako ay pangarap ko na po ito–na mas mapadali at mas mabilis ang pag-aabot ng tulong sa ating mga kababayan,” ayon kay Castro.
Sinabi nito na hindi na kailangan pang pumunta ng kapitolyo ang mga tao para humingi ng tulong dahil ang kaniyang tanggapan na mismo ang lalapit sa mga nangangailangan.
Nabatid na tuwing Martes at Biyernes sa ganap na alas-8:AM – 5:PM tatanggap ng panauhin ang nasabing tanggapan partikular na sa mga humihingi ng tulong.
Binigyan naman ni Castro ng Sertipiko ng Pagpapahalaga ang Pamahalaang Bayan ng Sta. Maria sa pamumuno ni Mayor Ramoskasama ang buong Sangguniang Bayan.