Katatapos lang ng national elections pero ang pinag-uusapan naman ngayon sa bawat kanto ay ang barangay elections na nakatakdang idaos sa Disyembre 5, 2022, ayon sa umiiral na batas.
Ano-ano nga ba ang tungkulin na dapat gampanan ng mga ihahalal natin na mga punong barangay, mga barangay kagawad at maging ng mga miyembro ng Sangguniang Kabataan o SK?
Ang pamahalaang lokal ay binubuo ng ibat-ibang opisyal at nasasakupan nito sa mga lalawigan at barangay at ang pinakamaliit na yunit nito ay ang barangay .
Sa antas ng komunidad, ang barangay ang nagsisislbi bilang pangunahing yunit ng gobyerno para sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran, programa, proyekto at gawain para sa mga mamamayan.
Ito ay nagsisilbing forum o venue kung saan ang kolektibong pananaw ng mga tao ay maaaring ipahayag at kung saan ang mga alitan ay maaaring bigyang solusyon.
Ang bawat barangay ay pinamumunuan ng isang Punong Barangay na siya rin ang namumuno sa Sangguniang Barangay na binubuo ng mga barangay kagawad.
Ang barangay din ay may Sangguniang Kabataan (SK), na binubuo ng SK president o chairman at mga SK kagawad at sila ang nangunguna sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programang pangkabataan sa barangay.
Tinitiyak ng punong barangay ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo na nagtataguyod ng pangkalahatang kagalingan ng barangay; naghahanda ng taunang badyet at inaaprobahan ang mga vouchers patungkol sa mga pinagkagastahan o pinagkagastusan ng pondo.
Siya rin ang nag-oorganisa at namumuno ng isang emergency group kapag ito’y kinakailangan para sa pagpapanatili ng kayapaan at kaayusan sa panahon ng kagipitan o sakuna sa barangay.
Ang punong barangay din ang nagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa barangay sa mga ipinatutupad ng mga batas kaugnay ang pagbibigay ng proteksyon sa kapaligiran.
Ito rin ang namumuno sa Sangguniang Barangay na nagpapatawag at pinamumunuan ang sesyon ng sanggunian, nakikipagnegosasyon at may kapangyarihang pumasok sa isang kontrata na napagkasunduan ng sanguniang barangay, may kapangyarihang humirang o palitan ang barangay treasurer, secretary at mga barangay tanod ayon sa pag-aproba ng sangguniang barangay.
Ang punong barangay ang siya rin namumuno sa lupong taga-pamayapa at mayroong kapangyarihan na pangkalahatang superbisyon sa Sangguniang Kabataan.
Ang Sangguniang Barangay naman o ang mga kagawad nito ay may responsibilidad at kapangyarihan bilang gumawa ng mga batas o ordinansa na para sa ikakabuti ng nakararami, magpatibay ng mga panukala, makatulong sa pagtatatag ng mga kooperatiba sa negosyo, at isaayos ang mga regular na mga pamayanan at programa sa komunidad.
Nagbibigay sila ng mga pangunahing serbisyo, nagpapatayo ng mga pampublikong imprastraktura at tinitiyak ang maayos na paggamit ng mga pasibilidad na pag aari ng barangay.
Tumutulong sila sa pagtatag at pagsulong ng mga kooperatiba sa negosyo na naglalayong mapabuti ang ekonomiyang kalagayan at kagalingan ng mga residente ng barangay.
Ang Sangguniang Barangay din ang nagsasagawa ng mga aktitbidad na naglalayong mangalap ng karagdagang pondo para sa proyekto ng barangay tulad ng mga regular na panayam o programa sa problema sa komunidad patungkol sa kalinisan, nutrisyon, bawal na gamot at magsagawa ng mga pagpupulong upang hikayatin ang mga mamamayan na aktibong makilahok sa pamamahala.
Sila rin ang nagtataguyod ng mga programa para sa pag-unlad at kapakanan ng mga bata para sa proteksyon lalo na sa mga bata na ang edad ay pitong (7) taon pababa.
May mga responsibilidad din ang mga Sangguniang Kabataan o SK na naaayon na sila ay may karapatan at responsiblidad na mapagsimula ng mga programa na dinisenyo upang mapahusay ang mga panlipunan pampulitika, pang-ekonomiya, kulturaal, intelektuwal moral ,spirituwal at pisikal na pag –unlad ng mga miyembro.
Sila rin ang kumukonsulta at nakikipag-ugnayan sa mga youth organizations sa barangay para sa pagbabalangkas ng mga patakaran at pagpapatupad ng mga programa para sa kabataan.
Ang mga SK rin ang nakikipag-ugnayan sa mga naaangkop na pambansang ahensiya para sa implementasyon ng mga proyekto para sa pag-unlad ng mga kabataan at mga programa sa pambansang antas.
Sila rin ang lumilikha ng mga katawan o komite kung kinakailangan para epektibong maisakatuparan ang mga programa at gawain para sa ikabubuti ng mga kabataan sa komunidad.
Kailangan nilang magsumite ng taunang sulat sa mga myembro ng sangguniang barangay patungkol sa mga proyekto at mga gawain para sa kaligtasan ng buhay at pag-unlad ng kabtaan sa barangay.
Dapat din silang magpasa ng resolusyon na kinakailangan upang maisakatuparan ang layunin ng mga kabataan sa barangay, alinsunod sa mga naakmang tuntunin nakasaad local government code (RA7160).
Ito ang dapat na isakatuparan ng mga nahalal sa puwesto at upang umasenso ang isang barangay kaya dapat nilang gawin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.
Sa barangay magsisimula ang pag-unlad ng ating bayan at ang mga kapangyarihan at responsibilidad kung kanilang isasakatuparan ay hindi rason ang maliit na lugar upang pagsilbihan, sapagkat ang kaunti kapag pinagsama-sama ay tila isang bayan o lalawigan.
Inaasahang sa susunod na paghahalal ay dapat na alamin nating mabuti kung sino at anong uri ang pagkatao ng iuupo natin sa puwesto sa barangay sapagkat nasa kamay natin ang kinabukasan ng mga kabataan at maging ang ating bayan.