BULACAN – Itutuloy ng “Team Solid” sa bayan ng Bocaue ang lahat ng proyekto, programa at legasiya na naiwan ng namayapang si Mayor Joni Villanueva-Tugna.
Ito ang pangako ni former Mayor Eduardo “JJV” Villanueva Jr. at former CIBAC Party List representative Congressman Atty. Sherwin Tugna, ang tandem na kapwa nagsumite ng kanilang certificate of candidacy (COC) nitong nakaraang Huwebes para alkalde at bise alkalde ng nasabing bayan sa ilalim ng partido Nationa Unity Party (NUP).
Kasabay rin nag-file ng COCs ang buong NUP “Team Solid” na kakatawan para sa Sangguniang Bayan na sina Alvin Cotaco, Noriel German, Mira Baustista, Takong Del Rosario, Jerome Reyes, Aries Nieto, Gigi Sal;onga at Ate J Nieto.
Si JJV Villanueva ay ang nakatatandang kapatid ni Mayor Joni na nakatapos ng kaniyang tatlong termino bilang punong bayan bago nanungkulan ang namayapang kapatid sa kasagsagan ng 2020 pandemic.
Si Tugna naman ang asawa ni Mayor Joni na susuporta para kay Mayor JJV bilang vice mayor ng Team Solid.
Nagpasyang magsanib puwersa ang kapatid at asawa ni Mayor Joni upang tiyakin na magpapatuloy ang mga naiwang programa nito at mapanatili ang magandang legasiya na tumatak sa bawat puso ng mga Bocauenos.
Nasa halos 500 taga-suporta ng Team Solid ang dumagsa sa munisipyo sa tanggapan ng Comelec na hindi na rin napigilan ng nakatalagang mga kapulisan subalit napanatili naman ang itinakdang health standard protocol guidelines.
Si Mayor Joni ang tinaguriang “toss coin mayor” makaraang magtabla ang resulta ng boto ng kaniyang katunggali sa unang takbo nito sa 2016 election at muling nahalal ng 2019 subalit hindi na natapos ang termino dahil sa pagpanaw nito ng May 2020.