CANDABA, Pampanga—Nakahandang ipagkaloob ng bagong halal na kapitan ng Barangay Vizal San Pablo sa bayan ng Candaba, Pampanga ang kaniyang buong suweldo buwan-buwan para sa samahan ng Senior Citizen sa nasabing lugar.
Ito ang pangako ni Kapitan Rey Baylon, 52, sa kaniyang mga ka-barangay makaraang opisyal na iproklama bilang waging kandidato bilang Kapitan ng Barangay ng Vizal San Pablo.
Si Baylon ay ipinroklama ni Barangay Board of Canvasser Chairman Berlyn Vinuya bandang alas-2:00 ng madaling-araw noong Oktubre 31, 2023 sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Vizal San Pablo Elementary School.
Si Baylon, 52, may-asawa ay isang prominenteng negosyante at kapatid ng dating alkalde na si Mayor Engr. Danilo Baylon na kilala bilang isang Good Samaritan sa nasabing lalawigan.
Sa panayam kay Kap. Rey, sinabi nito na handa nitong ibigay ang kaniyang buwanang suweldo sa samahan ng senior citizen sa nasabing barangay na mayroong 400 miyembro bilang tulong sa kanilang organisasyon at kung kinakailangan ay dadagdagan pa niya galing sa sarili nitong bulsa.
Kasamang ipinroklama mula sa kaniyang ticket sina Kagawad Antonio Buco, Severino Sagum, Julian Enrile, Rommel Liwag, Yolly Bustamante at iba pang mga kasamang hala na gaawad ng Vizal San Pablo.
Magugunita na si former mayor Baylon ang naging katunggali ni Pampanga Gov. Dennis Pineda sa pagka-gobernador ng lalawigan ng Pampanga noong nakaraang May 2022 election.
Dagdag pa ng bagong halal na kapitan na una sa kaniyang listahan ay ang pagpapaigting ng peace and order at tututukan niya ang pagbibigay proteksyon sa kapaligiran, pagpapalakas ng suporta sa edukasyon ng mga kabataan, mga proyektong pang-imprastratura.
Pakiusap ni Baylon sa kaniyang nakatunggali na sana pagkatapos ng eleksyon ay magsama-sama na sila, walang personalan at wala nang kulay-kulay.
“Tayo po ay magsisilbi ng tapat at sa tuwid na landas dahil kapag po tayo ay nalihis, unang-unang magagalit ang Panginoon at ang aking Kuya Boy na maka-Diyos,” wika ni kapitan.
Nag-udyok umano sa kaniya upang pasukin ang mundo ng pulitka ay upang maibigay lahat sa tao ang pondo mula sa gobyerno kasama na rin ang 30% niyang kinikita sa negosyo na mapunta sa pagtulong sa kapwa.