Nais nating paalalahanan ang Sambayanan na ang COVID-19 ay patuloy paring nananalasa. Batay sa balita ngayon habang isinusulat ito, ay tumaas na naman ang bilang na nabibiktima nito Narito ang naipadalang ulat, na nagtala ang National Capital Region (NCR) ng 1,600 bagong kaso ng Covid-19 noong Setyembre 25, na lumampas sa pinakamataas na naitala noong Agosto 7 sa 1,502 na kaso, sinabi ng OCTA Research, kamakailan.
Tsk! Tsk! Tsk! Sundin pa rin natin ang payong pangkalusugan laban sa COVID-19.
***
Sumalangit nawa ang inyong mga kaluluwa at buong pusong pakikiramay sa mga naulila ng limang bayani na nasawing Tagapagligtas na sina George E. Agustin mula sa Iba O’ Este, Calumpit; Troy Justin P. Agustin mula sa Sta. Rita, Guiguinto; Marby A. Bartlome mula sa Bulihan, City of Malolos; Jerson L. Resurreccion mula naman sa Catmon, Santa Maria; at Narciso Calayag, dahil sa kanilang pagsasagawa ng ‘rescue operation’ sa panahon ng pananalasa ng Super Typhoon Karding. Naganap ang trahedya sa bayan ng San Miguel, Bulacan, kamakailan.
Tsk! Tsk! Tsk! Sa hindi pa nakababatid, sa hangaring makasagip ng buhay, ay sinuong ng limang bayani ang kataasan ng tubig, upang tunguhan ang mga taong nangangailangan ng tulong, ng ang kanilang sinasakyang bangka ay mabagsakan ng nabuwal na malaking pader, kung saan ang nasabing lima ay nadaganan na kanilang ikinasawi.
Narito ang nasabi ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, “kulang ang mga salita upang ipahayag ang aking kalungkutan sa naganap na trahedya sa ating mga kasamang rescuers ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office. Sa ngalan ng lalawigan ng Bulacan, ako ay taus-pusong nagpapasalamat at ikinararangal ang kanilang ipinamalas na kabayanihan at matapat na pagtupad sa kanilang tungkulin, sukdulang isakripisyo ang kanilang sariling buhay.” Tunay ngang sila ay mga bayani.
Agad din naman kumilos Gov. Fernando, upang ayudahan ang mga biktima ng bagyong naturan.
Namahagi ng mga family food packs (FFP) at non-food items (NFI) sa 176 na pamilyang pansamantalang nakasilong sa Obando Municipal Hall kasama sina Vice Gov. Alexis C. Castro at Obando Mayor Leonardo D. Valeda. Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena J. Tiongson, 117 evacuation centers ang kasalukuyang tinitirhan ng 1,571 pamilya kabilang ang 1,447 bata at 231 senior citizen sa buong lalawigan.
Nakalulungkot na mga pangyayari, datapwat ang Katropa ay nasisiyahang makita na ang ating mga pinuno ay hindi nagpapabaya sa kanilang tungkulin, pagbibigay ng tulong at pagpapakita ng kasipagan sa kanilang layuning makiisa sa damdamin, nadarama at sa mga nangyayari sa buhay ng kanilang nasasakupan.
Tungkol sa pagtulong at kasipagan ng isang pinuno ay naalala ko tuloy ang sinabi ni G. Carlos Salazar, 60 yo, tungkol sa ating Pinuno na si Gov. Fernando, ng siya ay ating makapanayam, ayon sa kanya: “Tulad ng ating palasak na nadidinig, si Governor Fernando ay isang masipag at tapat na kasalukuyang naglilingkod sa ating lalawigan, at sa katunayan po eh, nakikita naman natin ang kasipagan niya, halos araw-araw laman ng balita na siya ay hindi tumitigil sa kanyang paglilingkod. Inaabot ng hatinggabi , hanggang magmadaling araw at ultimong linggo ay hindi niya sinasayang ang oras, para maiparating sa mga Bulakenyo ang kanyang paglilingkod.
Si Salazar ay siyang Administrator ng Facebook pages na Bulacan GDF Supporters, GDF Ginintuang Damdaming Filipino, at VG Alex Castro Supporters,
Narito ang paanyaya Salazar sa mga suki natin: “Good day po! Sana po mag-join kayo sa ating FB pages, upang makarating sa inyong kaalaman ang mga nangyayari sa Lalawigan ng Bulacan. Salamat po.” Hanggang sa muli.