LUNGSOD NG BALIWAG, Bulacan – Obligasyon ng mga employers na bayaran o hulugan ang kontribusyon sa Social Security System o SSS ng kani-kanilang mga manggagawa, anuman ang estado ng pagka-empleyo.
Iyan ang binigyang diin ni SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada sa ginanap na Run After Contribution Evaders o R.A.C.E. campaign ng Social Security System o SSS-Baliwag branch.
Bunsod ito ng pangangatwiran ng ilan sa mga delinquent employers na nabisita ng SSS-Baliwag, na hindi na anila hinuhulugan ang mga empleyadong nasa ‘project-based’.
Iligal aniya na hindi hinuhulugan ng isang employer ang kontribusyon ng isang manggagawa na na nagtatrabaho o nagbibigay ng serbisyo sa isang partikular na establisemento o kompanya, anuman ang estado ng pagka-empleyo.
Ang obligasyon na ito ay mas pinalakas sa umiiral na Republic Act 11199 o ang SSS Act of 2018.
Sa serye ng R.A.C.E. campaign ng SSS-Baliwag sa Pulilan, may mga manggagawa na hindi hinuhulugan ng kanilang employer ng kontribusyon sa SSS dahil sila’y itinuturing na ‘ipinatawag’, ‘part-time’ at ‘project-based’.
May walong mga delinquent employers ang tinutukan ng SSS-Baliwag sa October series ng R.A.C.E. campaign. Apektado rito ang benepisyo ng 112 na mga manggagawa partikular sa mga bayan ng Pulilan at Plaridel. Aabot sa P4.2 milyon ang halaga ng kontribusyon na hindi nito naihulog.
Kabilang ang walong ito sa 3,556 na mga delinquent employers na nakabase sa San Miguel, San Ildefonso, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan at Plaridel na pawang nasa ilalim ng hurisdiksiyon ng SSS-Baliwag Branch. Aabot ang kanilang delinquencies sa P249.9 milyon mula Enero hanggang Agosto 2023.
Sa ulat ni Chelin Lea Nabong, acting head ng SSS-Baliwag Branch, nasingil na ang P25.49 milyon mula sa nasabing delinquency amount. Iba pa rito ang nakolektang P478.54 milyon mula sa mga employers at indibidwal na regular na naghuhulog ng kontribusyon.
Natamo naman ng SSS-Baliwag Branch ang kabuuang 75% average of compliance, dahil nakasingil ito ng P2.8 milyon mula sa P13.8 milyon na hindi naihuhulog ng nasa 20 delinquent employers.
Ito ang resulta ng idinaos na mga serye ng R.A.C.E. campaigns noong Mayo 2, 2022, Setyembre 9, 2022 at nitong Mayo 25, 2023.
Kaugnay nito, patuloy na iniaalok ng SSS sa nasabing mga delinquent employers na bayaran ang mga obligasyon sa pamamagitan ng Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program o CPCoDe MRP.
Nangangahulugan ito na ang pababayaran na lamang ng SSS ay ang principal at interest. Hindi na sisingilin ang mga penalties.
Samantala, pinaalalahanan muli ni Andrada ang mga delinquent employers na kung hindi matutugunan ang kanilang obligasyon sa loob ng 15 araw mula nang makatanggap ng demand letter mula sa SSS, malaki ang posibilidad na mahantong ito sa pagsasampa ng kaso.
Mas malaki aniya ang magagastos ng isang delinquent employer kung mahahantong sa tuluyang pagkakahabla sa hukuman, kumpara sa hindi pagbabayad o paghuhulog ng kontribusyon para sa kani-kanilang mga empleyado.
Direktang nakasalalay dito ang mga benepisyo na maaaring makuha sa SSS ng isang manggagawa sa pribadong sektor sakaling siya’y manganak, mawalan ng trabaho, magretiro, magkasakit, mabaldado, mamatay at hanggang mailibing.