GAANO ka-importante ang boto mo sa isang kandidato? Bakit mahalagang pumili ng kandidato ang bawat mamamayan? Ang pagboto ay isang tungkulin ng bawat tao na nasa hustong gulang.
Bagamat ang batas ay walang pagpigil sa mga mamamayan na bumoto, subalit ito ay isang napakahalagang bahagi ng demokrasya.
Sa pagboto, ang taumbayan ay pumapasok sa demokratikong pamamaraan. Ang sambayanan ay pumipili ng mga katangi-tanging lider, na silang kakatawan, upang maihayag ang kanilang damdamin at mga pananaw, na siya namang aayudahan ng mga lider, upang maisakatuparan ang anumang mithiin ng sambayanan.
Dapat natin isaisip na ang ating pagpapasya o boto sa papalapit na Halalan 2022, ay napakahalaga. Ito ay isang seryosong proseso sa pagbuo ng isang kapasyahan, at kung papalarin ay siyang magluloklok sa isang indibidwal na uupo sa pampublikong tanggapan.
Tsk! Tsk! Tsk! Tingnan ninyo ang mga kandidatong nasyunal at lokal, kahit panahon ng tag-init, ang mga kandidato ay sinusuyod ang lahat ng lugar upang kampanyahin ang sinumang botante sa kanilang nasasakupan. Bakit kailangang hikayatin ka ng isang tumatakbong kandidato na iboto mo siya? Sapagkat ang boto mo ay napakahalaga sa isang tumatakbo sa eleksyon.
Pero magkaminsan ang pagpapasya ay nagbabago, ang iba ay hindi na rin magsisiboto. Sabi nila pare-pareho lang ang lahat ng mga kumakandidato, puro mga sinungaling daw at kaya lamang nais na pumalaot sa pulitika, ay may mga mahahakot na yaman mula sa proyekto at ilegal na gawain. Sila lang ang mga namamayani sa kalagayan sa buhay. Dahil sa kapangyarihang taglay, sila ay nagkakaroon ng mga biglaang malalaking negosyo at lupain sa kanilang mga nasasakupang lugar.
Inihalintulad pa ng isang nagbigay ng opinyon, ang pangako noon ng isang kandidatong nanalo.
Ayon sa kanya, mga pangakong minsan ay mapapahanga ka, tulad ng binitiwang salita ng isang kandidato noon ng siya ay nangangampanya pa.
Nagpahayag na tatapusin niya ang suliranin sa bawal na gamot sa loob lamang ng anim na buwan, gayundin sinabi rin niya na sasakay siya ng jet ski papunta sa isang pinagtatalunang isla na inookupahan ng China at personal na itataya ang mga paghahabol ng Pilipinas.
Kakaibang pamamaraan, nakabibigla, at kahanga-hangang pangako na napako at salat sa katotohanan, ika niya. Iyan ang mga mapanlilang na salita at pangako na binibitiwan ng isang tusong kandidato, makuha lamang ang simpatya ng mga botante.
Mga pamamaraang nakabubulag na hindi naman naisasakatuparan, dagdag pa niya.
“Kaya dapat ang boto ay huwag sayangin, huwag iboto ang mga huwad na lider. Suriin ang iboboto. Mahalaga ang ating boto” patapos pa ng ating kausap.
Tinanong ko siya, sa kasalukuyan ba sino ba ang mga huwad na kandidato? Tinapik ako sa balikat, sabi niya, Katropa pananaw ko iyun bilang isang botante. Naghiwalay kami ng may ngiti sa bawat isa.
KAUNLARAN NG LSJDM, NAGKAROON NG KATUPARAN
May ulat tayong natunghayan hinggil sa pagiging progresibo at pagiging maunlad ng Lungsod ng San Jose Del Monte (LSJDM,) ayon kay Mayor Arthur Robes, LSJDM, sa nakalipas na halos anim na taon na siya ay nanunungkulan, nagkaroon ng mga katuparan ang mga promises niya sa mamamayan.
Nagkaroon ng mga proyektong napapakinabangan ng lahat ng San Josenios, ito aniya ay dahil sa tiwala at suporta, ay naging kasama niya ang lahat upang maisakatuparan ng ganap ang mga programa at mga panukalang gawain.
“Ito po ang gusto ko para sa San Jose Del Monte at hindi po ito magiging posible kung hindi po sa tulong ng aking kabiyak Congw. Florida P. Robes. Sa mga susunod na panahon, mas malalaki at kapaki-pakinabang na mga proyekto at programa, ang aming ihahatid para sa bawat San Joseño. Naisakatuparan na natin ang mga pagbabago sa ating lungsod at ipagpapatuloy na po natin ang ating mga nasimulan, ang lahat ng ito ay para sa mas maunlad at progresibong San Jose Del Monte,” wika pa ni Mayor Robes.
Tsk! Tsk! Tsk! Mabuhay po kayo Mayor Art at Congw Rida Robes!