Simbahan ng Baliwag idineklarang isang makasaysayang pook

Pormal nang idineklara ng National Historical Commission of the Philippines na isang makasaysayang pook ang simbahan ng Baliwag na sinisimbulo ng paghahawi ng pananda sa harapan nito na pinangunahan ni Senador Loren Legarda. (Tanggapan ni Senador Loren Legarda)
 

LUNGSOD NG BALIWAG  — Ganap nang isang makasaysayang pook ang simbahan ng Baliwag sa Bulacan.

 

Pinangunahan ni Senador Loren Legarda ang paghahawi ng tabing sa pananda na ikinabit sa harapang bahagi ng simbahan bilang seremonya ng pagtatakda bilang isang makasaysayang pook.

 

Dumaan ang proseso ng deklarasyon sang-ayon sa bisa ng umiiral na Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009 at ng Republic Act 10086 o ang Strengthening People’s Nationalism through Philippine History Act of 2010.

 

Para kay Legarda, ang deklarasyon ay pagkilala ng estado sa simbahan ng Baliwag sa natatanging kontribusyon ng istraktura sa pagbuo ng kasaysayan ng bayan at ng bansa. Bukod sa pagiging isang panrelihiyong pook, maraming naganap dito na may kinalaman sa pulitika, pamahalaan at buhay ng mga kinilalang bayani.

 

Ginanap sa simbahang ito ang kauna-unahang halalang lokal noong Mayo 7, 1899 sa utos ni Heneral Henry Lawton. Nagsilbi rin itong himpilan ng Third Infantry Regiment ng mga sundalong Amerikano sa kasagsagan ng Philippine-American War noong taong ding iyon.

 

Bago nito, mahaba na ang pinagmulang kasaysayan ng Simbahan ng Baliwag.

 

Sa kasagsagan ng praylokrasya sa Pilipinas kung saan pinakamakapangyarihan ang mga prayle kaysa sa mga namumuno sa pamahalaang kolonyal, inihiwalay noong Mayo 26, 1733 ng mga paring Agustino ang parokya nito mula sa Quingua na ngayo’y bayan ng Plaridel. Ang Baliwag ay dating barangay ng Quingua.

 

Nagbunsod din ang praylokrasya ng agawan ng mga parokya ayon sa nobela ni Dr. Jose P. Rizal na Noli Me Tangere.

 

Nagsimulang maging bato ang istraktura ng Simbahan ng Baliwag mula sa kumbento hanggang sa kampanaryo mula sa mga taong 1802 hanggang 1830. 

 

Taong 1863 naman nang binyagan dito si Mariano Ponce dalawang araw matapos ipanganak noong Marso 23. Kinikilala ngayon si Ponce bilang isang bayani sa kanyang kapasidad bilang diplomatiko na nagsulong ng kaisipan at kamalayang Pan-Asyanismo.

 

Mula nang maipailalim ito sa Diyosesis ng Malolos noong 1962, sunud-sunod na renobasyon at pagsasaayos ang isinagawa rito na umabot hanggang 2017.

 

Isa naman ang Simbahan ng Baliwag sa 500 mga simbahan na idineklara ng State of Vatican na Jubilee Churches, nang magdiwang ang Pilipinas ng 500th Year Quincentennial Commemorations ng Pagdating ng Katolisismo sa Pilipinas, Tagumpay sa Mactan at Pag-Ikot ng Sangkatauhan sa Daigdig.

 

Sa kasalukuyang panahon, pinaka naaalala at sumikat ang simbahang ito na nag-oorganisa ng pinakamahabang prusisyon sa Pilipinas tuwing mga Mahal na Araw na aabot sa mahigit 100 mga karosa.

 

Kaugnay nito, tiniyak ni Mayor Ferdinand Estrella na hindi hihinto ang pamahalaang lungsod, lalo aniya na isa nang ganap na lungsod ang Baliwag, sa pagtulong na mapangalagaan ang naturang simbahan. 

 

Nagsisilbi itong mukha ng lungsod sa pagdaan ng panahon at simbulo na rin ng malalim na pagpapahalaga ng mga Baliwagenyo sa mayaman nitong nakaraan.