Serye ng pagdukot sa mga kababaihan sa Bulacan, ‘di totoo – PNP

Itinuturo ni LtCol Luis Guicit, hepe ng Guiguinto Police kay Cong. Ambrosio Cruz Jr. at Kapitan Celso Hernandez ang lugar kung saan natagpuan nitong Martes (July 5) ng hapon ang naaagnas na bangkay ni Princess Dianne Dayor, 24, (inset) sa isang lote sa Barangay Tikay, sakop ng Malolos City. Kuha ni ERICK SILVERIO
NILINAW ni Police acting director Col. Charlie Cabradilla ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) na walang nagaganap na serye ng pagdukot sa mga kababaihan sa nasabing lalawigan gaya ng mga naglalabasang fake news sa social media nitong nakaraang mga araw. 
 
Col. Charlie Cabradilla at Governor Daniel Fernando
 
Ito ang report ni Cabradilla kay Governor Daniel Fernando sa ginanap na press briefing Miyerkules ng hapon sa Balagtas Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center kasunod ng pagkakadiskubre ng bangkay ng 24-anyos na babaeng engineer na unang inireport na nawawala mula pa noong July 2, 2022.
 
Ayon kay Fernando at base na rin sa mga sunod-sunod na kaganapan at imbestigasyon, walang serye ng missing persons o dinukot na kababaihan sa Bulacan.
 
Lumabas sa imbestigasyon na isolated ang kaso ng biktimang si Princess Dianne Dayor, residente ng Barangay Tabang, Guiguinto na natagpuang naaagnas na 4 na araw matapos itong mawala.
 
Ang mga dalagitang magkakasunod na napabalitang nawawala na sina Kycee Reforsado, 17, taga Guiguinto ay nai-report na nawawala noong July 3 at si Shella Mae De Guzman, 14, taga Calumpit ay noong July 4 naman iniulat na nawawala.
 
Ayon sa pulisya, sina Reforsado at De Guzman ay kapwa nang kapiling ngayon ng kanilang mga pamilya at hindi totoong nawawala o dinukot.
 
Nabatid na si Reforsado ay nakauwi na nitong July 5 kung saan ay hindi lamang nakapag-paalam na mag-swimming kasama ang barkada habang si De Guzman ay naglayas ngunit nakauwi na.
 
Gayundin ang 13-anyos na batang babae na taga-Malolos na sinasabing nawawala mula pa noong Martes ay natagpuan na rin ng Malolos Police at naibalik na sa pamilya makaraang maligaw dahilan upang hindi agad nakauwi ng bahay.
 
“We like to inform the public na wala po tayong ni-isang incident na sinasabing mayroong sort of criminal or group na dumudukot sa mga kabataang kababaihan for any reason. Ito po ay napatunayan natin at na-verify natin na wala pong katotohanan ‘yung ganon. Iyan po ang gusto namin i-correct ni Governor,” ayon kay Cabradilla.
 
Kaya naman apela ni Fernando, maging responsable at maingat sa pagpo-post sa social media at maging mapanuri at huwag basta-basta maniniwala sa mga nakikita lalo na kung maling impormasyon ang nababasa.
 
Babala rin ng gobernador na may karampatang parusa ang sino mang mahuhuli na nagpapakalat sa social media ng impormasyong walang sapat na basehan at katotohanan na maaaring magdulot ng kalituhan sa taumbayan kung saan sila ay maaaring makasuhan ng ciber libel case.
 
P500K reward sa suspek na pumaslang sa dalaga 
 
Samantala, naglaan ng P500,000 pabuya ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Munisipalidad ng Guiguinto para sa makapagtuturo at ikadarakip ng suspek na pumaslang sa biktimang si Engr. Dayor, 24-anyos na natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa Barangay Tikay, Malolos City matapos ang limang araw na pagkakawala.
 
Ang biktimang si Engr. Princess Dianne Dayor
 
Unang nagbigay ng P300K reward si Malolos City Mayor Christian Natividad na sinundan ng tig-P100K nila Congressman Ambrosio Cruz Jr. ng Bulacan 5th District at Guiguinto Mayor Agatha Cruz.
 
Ayon kay Natividad, ang pabuya ay makakatulong upang maresolba ang brutal na pagpaslang sa biktimang si Princess Dianne Dayor, residente ng Barangay Tabang.
 
Nabatid na huling nakita si Dayor papaalis ng bahay noong July 2 bandang alas-5:30 ng umaga  para pumasok sa trabaho sa pinapasukang pabrika ng sapatos.
 
Mula noon ay hindi na nakabalik hanggang sa ika-apat na araw ay natagpuan na itong naaagnas sa isang madamong lote.
 
Ang biktima base sa inisyal na imbestigasyon ay sinakal na siyang naging dahilan ng pagkamatay gamit ang strap ng shoulder bag nito.
 
“Ruthless and senseless killings that perpetrator/s  should all face the brutal force of law,” ayon kay Natividad.
 
“They (perpetrator/s) dont have a place in this civil society. Malolos is one and with all the law enforcement agencies that will extend the long arms of the law in finding justice in these unfortunate events,” dagdag ni Mayor Natividad.
 
Nabatid na una pa lang na mai-report na nawawala ang mga nasabing kababaihan ay inatasan na agad ni Gov. Fernando si Bulacan PNP director Col. Cabradilla na magsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang madakip sa lalong madaling panahon kung sino man ang mayroong kinalaman sa naturang krimen.
 
Binigyan din ng gobernador si Cabradilla ng 48-oras para magreport sa resulta ng imbestigasyon kaugnay ng krimen at sa sinasabing mga missing persons.
 
Nagbigay din sina Cong. Cruz at Mayor Cruz ng tig-P100K  pabuya sa sino mang informer na makapagbibigay ng impormasyon o pagkakakilanlan sa suspek.
 
Sa utos ni Cong. Cruz, hinihimay na ng Guiguinto Police ang bawat pangyayari bago naganap ang krimen mula sa pag-alis ng bahay ng biktima hanggang sa lugar kung saan natagpuan ang naaagnas nang katawan ni Dayor.
 
Personal ring binisita ng mambabatas kasama si Kapitan Celso Hernandez ang lugar kung saan natagpuan ang katawan ng biktima bago ito nagpunta sa pamilya ng biktima upang personal na makiramay.
 
Nakikipag-ugnayan na rin si LtCol Ferdinand Germino, hepe ng Malolos City PNP kay  Guiguinto PNP chief na si LtCol. Luis Guisic para mas mapabilis ang isinasagawang imbestigasyon base na rin sa derektiba ni PD Col Cabradilla.
 
Magugunita na unang naireport si Dayor na nawala noong July 2 kasunod naman nawala si Kycee Reforsado noong July 3 at si  De Guzman, noong July 4.