Robbery suspek patay sa engkuwentro sa Bulacan

Nasawi ang isang lalaki matapos makipagbarilan sa mga pulis makaraang holdapin ang isang convenience store sa Paombong, Bulacan nitong Sabado.
CAMP General Alejo S Santos, City of Malolos — Patay ang isang hindi pa nakikilalang suspek  nang makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis matapos nakawan ang isang convenience store sa Barangay San Isidro 1, Paombong, Bulacan kaninang umaga (Sabado-June 25, 2022).
 
Sa report ni PCol Charlie Cabradilla, Provincial Director of Bulacan Police Provincial Office, nakilala ang biktima nito na si Sherlyn Lagman, Store Crew ng Alfamart na matatagpuan sa nabanggit na lugar na ninakawan ng 2 armadong kalalakihan sakay ng isang single motorcycle.
 
Batay sa panimulang imbestigasyon, agad na nagreport ang biktima sa kapulisan makaraan siyang holdapin ng 2 suspek na armado ng maiigsing baril.
 
Mabilis namang nakaresponde ang mga pulis at nakasalubong ang mga papatakas na mga suspek.
 
Nakipagpalitan ng putok sa mga pulis ang angkas na suspek pero nagawa namang makatakas ang driver sa direksyon papuntang Hagonoy.
 
Dahil desperado ang naiwang suspek na magpahuli ay nakipagsabayan ito sa mga pulis ng palitan ng putok na siya nitong ikinasawi.
 
Nabatid na bago holdapin ang nasabing convenience store ay unang hinoldap ng mga ito ang isang matandang naglalakad malapit sa pinangyarihan.
 
Narekober sa pinangyarihan ang mga basyo ng bala at isang caliber .45 pistol na pag-aari ng suspek na kasalukuyan pa ring inaalam ang pagkakakilanlan.