Right-of-way para sa Guiguinto Bypass Road, nakumpleto na

Right-of-way para sa Guiguinto Bypass Road, nakumpleto na

GUIGUINTO, Bulacan — Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang kabuuan ng right-of-way sa ruta na dadaanan ng ginagawang Guiguinto Bypass Road Project.

 

Ayon kay DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, nagkaroon na ng embankment o pagtatambak sa kabuuan ng ruta nito mula sa southbound ng Plaridel Arterial Bypass Road na patungo sa Daang Maharlika malapit sa Sta. Exit ng North Luzon Expressway.

 

May halagang 485 milyong piso ang proyekto na pinasimulan noong 2019 at target matapos sa taong 2025. 

 

Base sa tala ng DPWH, natamo ang 100 porsyento sa pagbili ng right-of-way habang nasa 60 porsyento na ang naitatayo sa retaining wall.  Ito ang magsisilbing hangganan ng itinatambak na lupa na lalatagan ng dalawang linya na kalsada.

 

Kapag natapos ang proyekto sa taong 2025, magsisilbing alternatibong daan ang Guiguinto Bypass Road para sa mga sasakyan na mula sa Plaridel Bypass Road patungo sa Daang Maharlika nang hindi na dadaan sa masisikip na kalye ng mga barangay ng Tabe at Sta. Rita sa Guiguinto.

 

Magiging malaking tulong din ito upang mapabilis ang biyahe ng mga kalakal papasok at palabas sa mga industrial complex sa loob ng bayan ng Guiguinto.

 

Samantala, sinabi rin ni Alcantara na ang dalawang linya na Guiguinto Bypass Road ay inisyal pa lamang. 

 

Ang binili na right-of-way nito ay may probisyon na uubrang mapalapad pa hanggang sa apat na linya sa susunod na mga panahon.

 

Ibinatay ng DPWH ang pagbili sa right-of-way base sa kasalukuyang presyo ng lupa at mga ari-arian na tinamaan ng proyekto sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 10752 o ang Right-of-Way Act of 2015.