Ricemill at warehouse sa Bocaue sinalakay

Ipinasara ng Bureau of Custom ang Great Harvest Ricemill na matatagpuan sa Intercity sakop ng Balagtas, Bulacan kaninang umaga. Kuha ni: RAMON ERFREN LAZARO
Nagsagawa ng surprise inspection si House Speaker Martin Romualdez kasama ang tauhan ng  Bureau Of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard  sa  dalawang rice mill at isang warehouse sa Intercity sa Barangay San Juan, Balagtas, Bulacan kaninang umaga.
 
Kasama ni Romuladez sina Rep. Erwin Tulfo ng ACT-CIS Partylist, Bulacan 5th District Cong. Ambrosio Cruz Jr at Cong. Mark Enverga ng 1st District ng Quezon nang isagawa ang inspeksyon bandang alas-10:00 AM.
 
Unang binisita ang FS Rice Mill kasunod ang San Pedro Warehouse at ang huli ay ang Great Harvest Rice Mill.
 
Sa nasabing inspeksyon ay ipinasara ni Romualdez ang Great Harvest Rice Mill makaraang walang humarap na may-ari o kinatawan sa nasabing establisyimento.
 
Habang ang FS Rice Mill at San Pedro Warehouse ay binigyan ng pagkakataon na magsumite ng mga resibo sa mga inimportang imported rice kung saan ay ibeberipika kung legit ang naging transaksyon nito.
 
“Sana naman gawin nila yung tama, nakikiusap tayo tulungan tayo at yan ang mensahe ng ating Presidente sama-sama tayong babangon, edi ganun din dito. Nakita natin wala naman shortage at may sapat ang supply,” wika ni Romualdez.