LUNGSOD NG MALOLOS – Sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pagbabakuna sa 200 mga batang may edad 5 hanggang 11 taong gulang sa isinagawang Resbakuna Kids Launching sa Hiyas ng Bulacan Convention Center nitong Miyerkules, Pebrero 9, 2022.
Ayon kay Galvez, ang bakunang Pfizer ay reformulated upang mapababa ang epekto nito sa mga bata.
“Para mawala ‘yung takot ng mga magulang, mayroon na tayong nabakunahan na more or less 20,000. Nakikita natin na very safe itong Pfizer dahil unang una, nagdaan ito ng matagal na ekperimentasyon at mga trials; at itong reformulated vaccines na ito may 10 micrograms lamang upang mabawasan ‘yung adverse effects nito,” ani Galvez.
Sinabi naman ni Rogie Ramos, ina ng 11-anyoos na binakunahan, na sang-ayon siya na mabakunahan ang kanyang anak para maging protektado ito lalo na bago magsimula ang before face-to-face classes.
“Gusto ko po talagang mabakunahan ang anak ko bilang paghahanda po sa face-to-face classes. Siyempre po, gusto ko po na protektado ang anak ko sa sakit lalo na at sa ospital din nagtatrabaho ang tatay niya. Bilang magulang, sana piliin din po ng ibang mga magulang na pabakunahan ang anak nila. Huwag po sana sila matakot dahil makabubuti ang bakuna sa bawat isa,” aniya.
Samantala, hinimok naman ni Gobernador Daniel Fernando ang mga magulang at tiniyak sa kanila na ligtas ang bakuna para sa kanilang mga anak.
“Dama ko po ang pangamba ng mga magulang. Tulad po ng sinasabi natin noong simula pa lamang, wala po tayong dapat ipag-alala sapagkat dumaan po ito sa masusing pag-aaral para tiyakin ang kaligtasan nito. Sa katunayan, marami pong pediatrician ang sumang-ayon at sumuporta sa desisyong ito dahil para po ito sa kapakanan ng mga kabataan, bilang paghahanda sa face-to-face classes at magabayan silang makabalik sa normal na pagtahak sa buhay,” anang gobernador.