Regional campuses ng National Academy of Sports, isinusulong ni PBBM

Binisita at kinumusta ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kabataang scholar ng National Academy of Sports (NAS), partikular sa larong table tennis. Nakadaupang palad din ng pangulo si Khevine Cruz ng Maynila na dalawang beses nag kampeon World Table Tennis Youth Contender Series sa Dubai, United Arab Emirates noong 2024 at ang series nito sa Palawan noong 2025. Siya rin ay Gold medalist sa United States Open sa Las Vegas, Nevada noong 2024. Isa siya sa mga 247 na mga batang atletang iskolar dito sa NAS mula nang maitatag ito sa bisa ng Republic Act 11470 noong 2020. (PCO)

NEW CLARK CITY (PIA) — Sisimulan nang magtayo ng mga regional campuses ang National Academy of Sports (NAS) upang mapag-ibayo ang paghanap sa mga kabataang atleta para higit na mahasa at mabigyan ng uri ng pagsasanay na makakasabay sa pandaigdigang pamantayan.

Iyan ang resulta ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa NAS flagship campus sa New Clark City sa Capas, Tarlac. 

Ayon kay NAS Executive Director Francis Carlos ‘Kiko’ Diaz, prayoridad na makapagtayo ng tig-isang campus sa Visayas at Mindanao upang higit na makilala ang iba pang mga kabataang atleta.

Pagpapatupad ito sa mandato ng NAS na mapalawak ang maabot nito sa iba’t ibang rehiyon.

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang flagship campus nito sa tabi ng mga pasalidad na ginamit noong 30th Southeast Asian Games.

Ipinaliwanag pa ni Diaz na bukas ang NAS sa mga pagbuo ng kasunduan, kooperasyon at kolaborasyon kung may mga umiiral nang mga pasilidad o institusyon na pinapatakbo ng mga pamahalaang lokal.

Maari aniya ito tulad ng mga sports high school na nasa Ilocos Norte, lungsod ng Baguio, at lungsod ng Baybay sa Leyte. 

Nakalinya na rin na magkakaroon ng ugnayan sa NAS ang itatatag na Bulacan Sports Academy na ilalagak sa Bulacan Sports Complex sa Lungsod ng Malolos.

Naitatag ang NAS sa bisa ng Republic Act No. 11470 bilang kauna-unahan at pangunahing institusyon ng estado na nagbibigay ng pang-akademiyang pag-aaral habang isinasailalim sila sa mga komprehensibong pampalakasang pagsasanay. 

Sa unang anim na taong pag-iral ng NAS, nasa 247 na mga atletang mag-aaral ang pawang mga scholars ng pamahalaan.

Pitong foundational sports ang kanilang specialization kabilang na ang aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, at taekwondo. 

Isa rito ang kinumusta ni Pangulong Marcos sa pagsasanay ng mga mag-aaral na nasa table tennis na si Khevine Cruz ng Paco, Maynila. 

Ang Grade 9 na si Cruz ay naging kampeon sa World Table Tennis Youth Contender Series sa Dubai, United Arab Emirates noong 2024.

Siya rin ang kampeon nang ganapin ang naturang series sa Palawan noong 2025 at nakamit ang Ginto sa United States Open na ginanap sa Las Vegas, Nevada noong 2024. 

Kaya naman ipinahayag ni Diaz sa pangulo na ang batang ito ay patuloy na hinahasa at pinapanday upang maging kwalipikadong makapaglaro sa Olympics sa hinaharap.

Pinangangasiwaan at pinapatakbo ang NAS ng nasa 174 na mga kawani gaya ng full-time faculty, program heads, at mga specialized coaches. 

Samantala, ang mga kabataang atleta ng NAS ay nakapagtala ng 1,029 na mga naipanalong mga medalya mula sa mga national at international competitions noong 2025. 

Kasama na rito ang 10 gold, limang silver, at 11 na mga bronze medal sa nakaraang 2026 Palarong Pambansa na ginanap sa Prosperidad, Agusan del Sur.

Bukod sa target na madagdagan ang mga sites ng NAS sa iba’t ibang panig ng bansa, iniulat ni Education Secretary Sonny Angara na nakapagpatayo at napagpaayos si Pangulong Marcos ng mahigit 100 na mga sports facilities sa buong bansa sa tulong ng Philippine Sports Commission.

Ibinilin naman ng kalihim na habang pinagbubuti ang pagpapanday sa kakayahan ng susunod na mga atleta ng bansa, kailangan ding pagbutihin at huwag pabayaan ang mga pang-akademikong pag-aaral.