SA darating na 2022 elections ay magtatalaga ang mga Bulakenyo ng pitong kongresista para kumatawan sa 21 munisipalidad at 3 lungsod alinsunod sa Republic Act 11546 o ang inaprubahang reapportioning ng lalawigan ng Bulacan.
Sa nasabing redistricting na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong nakaraang May 2021, nadagdagan pa ng 2 distrito ang lalawigan ng Bulacan at ito ay ang 5th at 6th District.
Ngunit sinasabing hindi umano pumabor ito sa Unang Distrito dahil hindi naman ito nabiyak at nanatili dito ang mga nakapaloob na munisipalidad at lungsod. Dahil dito, sa halip na matamasa ang karagdagang biyayang dapat sana ay mapapakinabangan sa larangan ng kaunlaran at mga progresibong programa ay magtitiyaga na lamang ang mga munisipalidad kasama ang Malolos City sa iisang pondo mula sa iisang Kinatawan ng Kongreso.
Base sa isinagawang redistricting kung saan si 3rd District Congresswoman Lorna Silverio ang author at co-author sina Congressman Jonathan Alvarado ng 1st District, Cong. Apol Pancho ng 2nd District, Cong. Henry Villarica ng 4th District at Cong. Rida Robes ng Lone District ng San Jose Del Monte, ang nasabing redistricting ay naisabatas matapos aprubahan ng Pangulo nitong May 26, 2021.
Nabatid na tanging ang Ika-2 Distrito, Ika-3 Distrito at Ika-4 Distrito lamang ang naapektuhan ng redistricting o apportioning at hindi nagalaw ang Unang Distrito.
Pero para kay dating Malolos Mayor Danny Domingo, ang Unang Distrito ay dapat aniyang nabiyak din ang mga bayan alinsunod sa itinakdang batas sa ilalim ng Saligang Batas o Philippine Constitution dahil sobra-sobra na ang populasyon nito.
Ayon kay Domingo, nakasaad sa Article 6, Section 5, paragraph 3 ng Legislative Department ng 1987 Constitution na ang bawat legislative district ay mayroon dapat na pinakamaliit na bilang na 250,000 populasyon at isang representative.
Sinabi pa ni Domingo na ang Unang Distrito ay mayroon kabuuang 717,000 populasyon base sa 2020 census kaya nararapat na magkaroon ng 2 kongresista nang sa gayon ay dobleng pondo rin ang makukuha alinsunod sa Saligang Batas.
“Each legislative district shall comprise, as far as practicable, contiguous, compact, and adjacent territory. Each city with a population of at least two hundred fifty thousand, shall have at least one representative,” ayon kay Domingo.
Aniya, dahil sa hindi nahati sa dalawang distrito ang First District ay “nalugi” ito sa isinagawang redistricting at ang taumbayan ang nagsakripisyo sa dapat sana ay higit na progreso at asenso kung naging 2 ang kongresista.
Marami aniyang mga proyektong pangkaunlaran ang pakikinabangan ng mga bayang nakapaloob sa Unang Distrito kung nai-disenyo sana ng tama at naayon sa batas na madadagdagan sana ng Kinatawan.
Paliwanag ng dating alkalde, malaking pondo ang nawala na sana ay para sa mga bayang nakapaloob sa Unang Distrito kung pumayag na ito ay mahati, ang Malolos City bilang Lone District at First District para sa maiiwang mga bayan tulad ng Hagonoy, Paombong at Calumpit habang ang Pulilan ay maaari ring maiwan o malipat ng ibang distrito gaya rin ng bayan ng Bulakan.
Nabatid na P2.5-bilyon halaga o higit pa ng programa at proyekto ang maaaring ilaan kada taon sa isang distrito na sinasabing nawala sa Malolos kung ito sana ay naging lone district at ganito ring biyaya ang sana ay mas mapapakinabangan ng maiiwang munisipalidad sa First District dahil sa kasalukuyan ay naghahati lamang sila sa biyayang pang-isang distrito na imbes sana ay dalawa.
Nabatid na sakaling maging Lone District ang Malolos City ay obligado na ilipat ng ibang distrito ang Bulakan kung saan itatayo ang Bulacan airport.
Ayon kay Domingo, maraming mga residente mula sa Unang Distrito ang nagtatanong at naghahanap ng kasagutan kung bakit hindi nakasama sa reapportioning ang nasabing distrito.
“It was so designed. Simply ignored, dismissed, without representation, was not considered. Plainly set aside. Para sa akin ito ay batas ng kataksilan,” wika ni Domingo.
Ayon naman kay Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr., Pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa Bulacan, base sa Saligang Batas ang lalawigan ng Bulacan ay mayroon dapat 12 kongresista dahil sa total population na 3.7 miyon.
Naniniwala si Cruz na ang Bulacan ay entitled na madagdagan ng Kinatawan ng higit sa kasalukuyan kumakatawang kongresista na dapat ay noon pang ginagawa.
Sinubukan naman kunin ang panig ni Cong. Alvarado hinggil sa isyu kung bakit hindi napabilang ang kaniyang distrito sa reapportioning subalit wala itong naging tugon.