PRC, hinikayat ang mga Bulakenyo na makiisa sa pagtaguyod ng mga makataong serbisyo

Walk for Humanity Bulacan
ADVOCATES OF HUMANITARIAN SERVICES. Aaabot sa 4,100 na Bulakenyo ang lumahok sa “Walk for Humanity” ng Philippine Red Cross – Bulacan Chapter kaugnay ng ika-75 Anibersaryo nito na nagsimula sa Malolos Sports and Convention Center hanggang Bulacan Capitol Gymnasium, Lungsod ng Malolos, Bulacan kaninang umaga na naglalayong makahikayat at ipalaganap ang Red Cross 143 program sa lahat ng mga barangay sa probinsiya.
LUNGSOD NG MALOLOS– Upang mahikayat ang mga Bulakenyo sa pakikilahok at pagtataguyod ng mga serbisyong makatao, idinaos ng Philippine Red Cross – Bulacan Chapter ang Walk for Humanity kung saan humigit-kumulang 4,100 Bulakenyo ang lumahok sa martsa na nagsimula sa Malolos Sports and Convention Center hanggang Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
 
Alinsunod sa temang “PRC is always first, always ready, and always there in service for humanity”, inilunsad ang programa upang isulong ang programang Red Cross 143 sa lahat ng barangay sa lalawigan at hinihikayat ang bawat pamilya na magkaroon ng isang responder upang palakasin ang misyon ng PRC na magbigay ng humanitarian aid sa mga nangangailangan.
 
Bilang isa sa mga sumusuporta sa adbokasiya, ipinaabot ni Gob. Daniel R. Fernando ang kanyang suporta sa nasabing layunin sa kanyang mensahe na binasa ng kanyang kinatawan na si James Santos. 
 
Hinikayat din niya ang mga Bulakenyo na suportahan at isulong ang bolunterismo sa lalawigan.
 
Ang ating gobernador ay patuloy na nakikiisa sa mga ganitong aktibidad sa lalawigan ng Bulacan, sa katunayan ay napakahalaga pong yugto ang unity walk para sa inyo sapagkat naipapakita ninyo sa inyong lipunan ang pagkakaisa, ani Santos.
 
Nakiisa rin sa paglalakad si Iana Khrys Godoy, isang second-year nursing student, at kanya ring hinikayat ang mga kabataan na lumahok at suportahan ang mga adbokasiya at programa ng PRC.
 
“Pumunta po ako dito dahil gusto ko pong sumama sa walk for humanity. Bilang kabataan, tayo ang magsisimula ng pagtulong sa ating kapwa. Itong walk for humanity, hindi lang po ito for clout, nanghihikayat po tayo ng kapwa nating mga Bulakenyo upang matulungan ang mga ito. bawat isa, ani Godoy.
 
Dinaluhan din ang programa nina Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena J. Tiongson, Bulacan State University President Cecilia Navasero-Gascon, Congresswoman Lorna C. Silverio, PRC Board of Directors na sina Raymundo Carlos, Bartolome Agustin, Annabelle Talusan, Rosalie Lava, Josefina Natividad at Dr. Erwin Tecson at iba pang mga boluntaryo.