LUNGSOD NG MALOLOS – Tatlumpu’t pitong Bulakenyong Farmer Cooperatives and Associations (FCA) ang tumanggap ng P59.18 milyong halaga ng makinaryang pang-agrikultura mula sa Department of Agriculture-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa ginanap na Distribution of Farm Machineries and Ceremonial Awarding sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kahapon.
Binigyan ang mga FCA mula sa Lungsod ng Malolos, Paombong, Pulilan, Plaridel, Lungsod ng Baliwag, San Ildefonso, San Miguel, San Rafael, Bocaue, Pandi, Angat, Santa Maria, at Lungsod ng San Jose del Monte ng iba’t ibang makinaryang pang-agrikultura kabilang ang 15 hand Tractor, 14 Four Wheel Tractor, siyam na Riding Type Transplanter, limang Rice Combine Harvester, apat na Single Pass Rice Mill, apat na Walk Behind Transplanter, at dalawang Precision Seeder.
Hangad ni Gobernador Daniel R. Fernando na makilala ang mga Bulakenyong magsasaka bilang salamin ng kasipagan at pag-unlad kaya naman simula pa noon nagpupunla na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng mabubuting pagbabago sa buhay ng mga magsasaka.
“Maliban sa pagbibigay ng mga binhing pananim, tayo po sa Pamahalaang Panlalawigan ay nakatutok sa iba pang bahagi ng pagsasaka tulad ng pagtatayo ng imprastraktura, pag-aayos ng mga irigasyon, pagbibigay kasanayan sa modernong pagsasaka, at pamamahagi ng mga makabagong kagamitan para sa kapakanan ng ating magsasaka,” anang gobernador sa pamamagitan ng phone patch.
Samantala, hiniling ni Regional Executive Director ng Department of Agriculture Regional Field Office III Dir. Eduardo Lapuz, Jr. sa mga magsasakang benepisyaryo na alagaang mabuti ang mga makinarya at bigyan ng pagkakataon ang lahat ng miyembro ng mga kooperatiba na gamitin ito.
“Although ‘yung ipamimigay po ng ating PhilMech ay matitibay po ‘yan at maayos, dapat priority n’yo po ang maintenance ng mga equipment and machines. Alagaan po natin para magamit pa po ng matagal,” ani Lapuz.
Dumalo sa aktibidad sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Bokal Romina Fermin, Chief of Staff Abgd. Nikki Manuel Coronel at Panlalawigang Pinuno sa Pagsasaka Ma. Gloria SF. Carrillo kasama sina Cong. Agustina Dominique Pancho, Cong. Salvador “Ador” Pleyto, Sr. na kinatawan ng kanyang anak na si dating Konsehal ng Bayan Salvador Pleyto, Jr., Cong. Danilo A. Domingo na kinatawan ni Lyvette San Diego at Punong Bayan ng Angat Reynante “Jowar” Bautista.
Layunin ng RCEF Modernization Program na isulong at ipatupad ang angkop at wastong mekanisasyon ng agrikultura upang mapataas ang produksyon at kahusayan ng mga magsasaka na magreresulta sa pagtaas ng kanilang kita at upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga magsasaka.