LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Hinihikayat ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang mga mamamayang hindi pa miyembro na magparehistro.
Ayon kay PhilHealth Local Health Insurance Office Gapan Head Angelito Creencia, sa mahigit dalawang milyong populasyon sa Nueva Ecija ay halos tumungtong na sa 90 porsyento o 1.8 milyong katao ang rehistradong miyembro o tinukoy na dependent sa PhilHealth.
Target pa aniya ng tanggapan na mapag-miyembro o maitala ang natitirang humigit 200,000 kababayan upang masakop ng mga benepisyo ng PhilHealth.
Kaugnay nito ay pinaliwanag ni Creencia na ang mga walang kakayahang maghulog ng kontribusyon ay maaaring magparehistro at magkaroon ng libreng PhilHealth coverage sa pamamagitan ng pag-aapply bilang miyembro sa ilalim ng Financially Incapable o FI category.
Sa pamamagitan nito ay hindi na problema ang pagbabayad sa kontribusyon dahil sponsored o libre na itong babayaran ng gobyerno upang makatanggap ng mga benepisyong pangkalusugan.
Maaari ding mag-apply sa FI category ang mga nawalan ng trabaho o pinagkakakitaan sa pamamagitan ng pagpapabago ng estado ng pagiging miyembro sa PhilHealth.
Pahayag ni Creencia, isa lamang ang paraan ng pag-aaply sa FI category, magtungo sa tanggapan ng Local Social Welfare and Development Office na matatagpuan sa nakasasakop na pamahalaang lokal upang makapagpa-assess at makakuha ng certificate of indigency na ilalakip sa aplikasyong ipapasa sa PhilHealth.
Kaniyang nilinaw na ang pagkakaroon ng libreng PhilHealth coverage sa ilalim ng kategoryang FI ay nag-eexpire kada taon dahil sa posibleng pagbabago sa kalagayan o kabuhayan ng mga miyembro taun-taon.
Sasailalim na lamang ulit sa assessment ang mga magpaparehistro sa FI category upang magawaran muli ng isang buong taong libreng coverage mula sa PhilHealth.
Ayon pa kay Creencia, maaari ding mapasama sa FI category ng PhilHealth ang mga estudyanteng lagpas 20 ang edad na hinahanapan ng health insurance sa pagbabalik eskwela.
Kung ang mga mag-aaral naman ay nasa edad 20 pababa ay dapat ideklarang dependent ng mga magulang na miyembro ng PhilHealth.
SOURCE: Camille C. Nagaño (PIA3)