PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isinagawang groundbreaking ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) ngayong Miyerkules sa anim na pabahay site sa lalawigan ng Bulacan.
Kabilang sa mga lugar na bibisitahin ay Lungsod ng San Jose Del Monte, bayan ng San Rafael, Pulilan habang virtual ceremony naman sa Lungsod ng Malolos at sa bayan ng Pandi at Guiguinto.
Bukod sa 4PH groundbreaking ay magkakaroon muna sa unang aktibidad ng kamustahan at pamimigay ng tulong pinansyal kaugnay ng Kadiwa ng Pangulo Program na gaganapin bandang alas-9AM sa Barangay Dulong Bayan Covered Court, San Jose Del Monte.
Makakasama rito ng Pangulo sina Governor Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, Lone District Cong. Rida Robes at City Mayor Arthur Robes.
Susundan ito ng distribution ng government services na gaganapin sa CSJDM Convention Center- Productivity Center, Sapang Palay, San Jose Del Monte.
Ang unang 4PH ground breaking ceremony ay isasagawa sa Heroes Ville, Barangay Gaya-Gaya, San Jose Del Monte na susundan naman ng groundbreaking ng St. Bernadette Children Maternity Hospital sa nasabi ring lugar.
Bandang hapon ay sasamahan nina Mayor Cholo Violago ang 4PH groundbreaking ni Pangulong Marcos sa Barangay Caingin, San Rafael at Mayor Maritz Ochoa-Montejo sa Barangay Penabatan sa Pulilan.
Makakasama naman ng Pangulo sina Mayor Christian Natividad ng Malolos, Mayor Rico Roque ng Pandi at Mayor Agatha Cruz ng Guiguinto sa isasagawang 4PH simultaneous virtual groundbreaking ceremony.