P1M pabuya para sa ikadarakip ng suspek sa inambus na provincial legal officer ng Pampanga

NAGBIGAY si Pampanga Governor Dennis “Delta” Pineda ng P1-milyong pabuya sa sino mang makapagbibigay ng lead para sa ikadarakip ng mga suspek na nagtangka sa buhay ni Provincial Legal Officer Atty Gerome Tubig na pinagbabaril habang naka-park Lunes ng umaga sa Barangay Sto Rosario, City of San Fernando.
Ang nasabing isang milyong cash reward ay ipagkakaloob sa sino mang makapagtuturo ng pagkakilanlan ng mga responsable sa pamamaril upang ang mga ito ay agad na maaresto.
“Isang milyong piso po (P1 million) ang pabuya na aking ibibigay sa sinumang makakapagbigay ng tamang impormasyon ukol sa mga pangalan at lokasyon ng mga salarin,” wika ni Gob. Pineda.
Kasabay nito ay mariing kinondena rin ng gobernador at Bise Gobernador Lilia Pineda ang nasabing pag-ambush kay Atty Tubig.
“Mariin ko po na kinokondena ang pag-ambush kay Atty. Tubig. Ang tangkang pagpatay ay laban sa utos ng Diyos. Ang karahasan ay hindi dapat ginagawa sa ating demokrasya,” wika ni Pineda sa kaniyang social media post.
Ang pangyayari ay labis na ikinalungkot ng mag-inang Pineda kasama ang mga Provincial Board Members, department heads at mga kawani ng kapitolyo.
Inatasan na rin ng gobernador si Pampanga Police Director Col. Levy Hope Basilio na alamin ang motibo, hulihin, kasuhan at ikulong ang mastermind at gunmen sa nasabing krimen.
Magugunita na si Tubig habang sakay ng kaniyang BMW sedan at naka-park sa tapat ng VL Makabali Hospital ay pinagbabaril ng dalawang armadong kalalakihan sakay ng motorsiklo.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas ang biktima sa nabanggit na ospital sanhi ng tinamong mga tama ng bala habang pinaghahahanap na ng kapulisan ang mga suspek.