NANAWAGAN si Sen. Joel Villanueva sa bagong liderato ng Department of Labor and Employment (DOLE) para lubos na ipatupad ang Occupational Safety and Health Standards (OSHS) at parusahan ang mga responsable sa pagkamatay ng dalawang katao ang pagguho ng elevator na kanilang kinukumpuni sa isang gusali sa Makati City kahapon (July 8).
“One accidental but preventable death in the workplace is already far too many. Sumailalim ba ang elevator sa technical safety inspection ng DOLE inspectors? Nagkaroon ba ng sapat na safety protocols sa pagkukumpuni ng elevators? Kailangan ng agarang imbestigasyon sa sanhi ng aksidente, at ipatupad natin ang buong lakas ng batas pa ipakita natin kung gaano tayo kaseryoso sa pagkakaroon ng ligtas na working environment para sa ating mga manggagawa,” Villanueva said.
Sa ilalim ng OSH implementing Rules and Regulations, may parusang Php 100,000 na ipinapataw sa bawat araw ng paglabag sa patakaran na nilalagay ang mga manggagawa sa panganib ng kamatayan, pinsala sa katawan, o karamdaman.
Umapela din sa DOLE ang principal author at principal sponsor ng Republic Act No. 11058, o Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof, na gawing bahagi ng plano para sa unang 100 araw ng bagong liderato ng kagawaran ang compliance ng mga negosyo sa OSHS.
“Sinuportahan po natin ang Php 599 milyon para sa Labor Laws Compliance budget ng DOLE at pagdagdag ng mga tauhan ngayong taon para ipatupad ang OSHS. Kailangang malaman ng sambayanang Pilipino kung gaano ka-efficient ang implementasyon ng batas para sa proteksyon at kapakanan ng ating mga manggagawa,” sabi ni Villanueva.
Sinabi rin ng senador na bago pa man pag-isipan na amyendahan ang Labor Code, “dapat nating masiguro na tapat ang implementasyon ng mga umiiral na labor laws gaya ng OSHS Act.”
Sinabi rin niya na dapat i-convene na ng bagong liderato ng DOLE ang halos apat na taon nang overdue na inter-governmental coordination and cooperation mechanism batay sa Section 31 of R.A.No. 11058 para imonitor ang implementasyon ng batas.
Base sa Labor Inspection Report ng DOLE noong Abril 30, 2022, 64.6 porsyento lamang ng 25,493 na establisyementong nainspeksyon ang sumusunod sa occupational safety and health standards. Karamihan sa mga natagpuang paglabag ay ang hindi pagsunod sa requirements na first aiders, safety officers, at fire safety measures.
“Hindi lang po ang pandemya ang health hazard sa ating mga workplace. Malubhang sakit din po ang negligence at hindi pagsunod ng mga negosyo sa occupational safety and health standards, na madali namang malunasan kung tayo po ay maagap at masigasig sa pagsunod sa batas,” ani Villanueva.