Pakinabang ng mga Guiguintenyo sa LGSF nakasentro sa kagamitang medikal, pagkain sa hapag

GUIGUINTO, Bulacan (PIA) — Tuwirang makikinabang ang mga mamamayan ng Guiguinto, Bulacan sa Local Government Support Fund (LGSF) na inilaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang.

Iyan ang tiniyak ni Mayor Ambrosio Cruz sa pagpaprayoridad na paglagakan ng LGSF ang pagbili ng mga kagamitang medikal para sa Ospital ng Guiguinto sa Barangay Tabe at Super Health Center sa Barangay Sta. Rita. 

Inilahad ni Guiguinto, Bulacan Mayor Ambrosio Cruz na prayoridad ng pamahalaang bayan na ilaan sa pagbili ng karagdagang kagamitang medikal at dalawang beses na suplay ng bigas kada buwan para sa mga nasa informal sector ang pondong mula sa Local Government Support Fund na inilaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng programang Bawat Bayan Makikinabang.

Binigyang diin niya na sa dulo, kapag inilaan ang pondo ng bayan sa mga proyektong pangkalusugan, maliwanag na pakikinabangan ito ng lahat dahil mailalagak ito sa mga ospital at klinika sa mahabang panahon. Aabot sa P5 milyong bahagi ng LGSF ang ilalaan dito. 

Taong 2008 nang muling buksan ang pintuan ng Ospital ng Guiguinto, na  matatagpuan sa Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services o BLISS sa Barangay Tabe, sa publiko matapos ang noo’y mahigit dalawang dekada na pagkakasara habang nabuksan naman noong 2022 ang Super Health Center sa Barangay Sta. Rita. 

Kalakip ng pagpupundar ng nasabing mga kagamitang medikal, kasama rin sa nilaanan ng LGSF ang pagsusuplay ng tig-10 kilong bigas para sa mga nasa informal sector ng bayan dalawang beses kada buwan.

Isa sa mga benepisyaryo nito si Jay-R De Leon, isang tricycle driver na bumibiyahe mula Sta. Rita patungong Bungahan sa lungsod ng Malolos.

Ayon kay De Leon, malaking ginhawa ang ipinagkaloob ng pamahalaan sa mga katulad niyang tricycle driver na patuloy na nagsisikap maghanapbuhay para sa kanilang pamilya. 

Magagamit na aniya sa iba pang pangangailangan ng pamilya ang arawang kinikita sa pamamasada dahil mayroon na silang tiyak na suplay ng bigas. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan