LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Isang malaking katuparan sa mga pangarap ni Dating Senate President Blas Ople, na kilala bilang ‘Ka Blas’, ang pagkakatatag ng Department of Migrant Workers sa bisa ng Republic Act 11641 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Iyan ang naging sentro ng pag-aalala sa Ika-95 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Ople sa harapan ng Blas Ople Sentro ng Kabataan, Kaalaman at Hanapbuhay sa bakuran ng Kapitolyo sa lungsod ng Malolos.
Para kay Gobernador Daniel R. Fernando, lalong mapapalakas ang mga ahensiyang itinatag sa pamamagitan ni Ople para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil pinagsama-sama na bilang iisang ahensiya.
Una na rito ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ngayo’y iniangat ang mandato sa antas bilang Department of Migrant Workers.
Dito na ipinailalim ang mga mandato ng POEA na itinatag noong 1982 noong siya ang ministro ng noo’y Ministry of Labor and Employment, na ngayo’y Department of Labor and Employment (DOLE).
Nakapailalim na rin bilang isang attached agency sa Department of Migrant Workers ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na itinatag noong 1977. Habang ang National Maritime Polytechnic (NMP) na itinayo noong 1978 ay ipinaloob na rin sa mandato ng Department of Migrant Workers.
Malaking bahagi ng buhay ni Ople ay nakatala sa kanyang panunungkulan sa mga ahensiyang may kinalaman sa kapakanan at seguridad ng mga manggagawa.
Una siyang hinirang ni noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos bilang kasapi ng Social Security Commission ng Social Security System (SSS) noong 1965.
Taong 1967 nang una siyang naging kalihim ng DOLE hanggang 1971. Muli siyang nabalik bilang ministro ng Ministry of Labor and Employment noong 1972 hanggang 1986.
Sa kanyang mahabang panunungkulan sa nasabing kagawaran, nahalal siyang pangulo ng 60th International Labour Conference ng International Labour Organization (ILO) noong 1975.
Ginawaran si OPLE ng ILO ng Gold Medal of Appreciation noong 1983 dahil sa pagiging instrumental niya sa pagbabalangkas ng Labor Code of the Philippines noong 1974, pagtatatag ng OWWA, National Maritime Polytechnic at ng POEA.
Samantala, maging ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (OUMWA) na nakapailalim sa Department of Foreign Affairs (DFA) ay inilipat na sa Department of Migrant Workers.
Naging instrumental din si Ople bilang kalihim ng DFA mula 2002 hanggang sa kanyang kamatayan noong Disyembre 14, 2003, sa pagtitiyak ng seguridad ng mga OFWs sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga labor agreements sa mga bansang may diplomatikong relasyon ang Pilipinas.